SI Pangulong Duterte ang nagsapubliko ng planong pag-uusap para sa pagbabalik ng mga ginto ng pamilya Marcos.
Ang laking istorya.
Nasundan ito ng pahayag ni Buhay Rep. Lito Atienza. Aniya, hindi ito ang unang pagkakataon na ninais ng pamilya Marcos na ibalik sa bansa ang tonetoneladang ginto.
Sa kuwento ni Atienza noong siya ay mayor pa, nakausap niya si dating First Lady Imelda Marcos, ngayon ay kongresista ng Ilocos Norte, at sinabi nito ang pagnanais ng pamilya na ibalik sa bansa ang mga ginto.
Ayon kay Atienza, ang pinag-uusapan dito ay 7,000 tonelada ng ginto. Ang isang tonelada ay katumbas ng 1,000 kilo kaya aabot ito sa 7 milyong kilo.
Teka, tama ba kwenta ko?
Magkano ba ang presyo ng ginto ngayon? Sabi ng Gold Spot Price ang halaga ay $42,929 kada kilo.
Sa palitan na $1=P51 ang halaga nito ay P2,189,379 kada kilo. Mas lalaki pa ito kung tataas pa ang halaga ng dolyar. Wow!
Eh di magkano yung 7,000 tonelada— 7,000 x $42,929 = $300,503,000 sa P51 ito ay P15,325,653,000.
Ang laki pala ng pinag-uusapang pera rito.
Ang budget ng buong Pilipinas sa susunod na taon ay P3.767 trilyon, nagmukhang barya sa P15.3 bilyong halaga ng ginto na pinag-uusapan.
Kayang-kaya palang bayaran ang P6.4 trilyong utang ng Pilipinas nang hindi pinipiga ang mga ordinaryong manggagawa sa pagbabayad ng buwis.
Kung maibabalik pala ito, at kung ganito talaga karami, ay pwedeng hindi na muna pagbayarin ng buwis ang mga ordinaryong mamamayan ng ilang taon.
Ang pagbayarin na lang muna ay ang mga negosyante at ang mga kumikita ng malaki para hindi agad maubos.
Sa dami ng pondong ito, siguro naman ay gaganda na ang serbisyo ng gobyerno.
***
Sa laki ng pinag-uusapan, hindi maitatanggi na mayroong mga maglalaway. Yung mga gustong makakurot sa napakalaking halaga na pinag-uusapan.
Sabi ni Albay Rep. Edcel Lagman, lider ng Magnificent 7 sa Kamara de Representantes hindi na kailangan ni Duterte ng batas o bagong kapangyarihan para makipag-negotiate sa pagbabalik ng tagong yaman.
Ang Pangulo aniya ay mayroong principal authority sa paghahabol sa nakaw na yaman.
Kaya ‘yung mga nagbabalak na makialam pa ay dapat tumabi-tabi na lang muna.
Tutal daraan din naman sa Kongreso kung paano gagamitin ang pondo sakaling maibalik na ito at maisama sa General Appropriations bill.