Di kailangan mag-voluntary contribution sa SSS kung employed

DEAR Aksyon Line:
Isa po ako sa masusugid na nagbabasa ng inyong column na Aksyon Line. Lagi ko pong nababasa na marami ang humihingi ng tulong sa SSS. Kaya po agad akong lumapit sa aking kaibigan para tulungan akong mag-email at maiparating ang aking hinaing.
Gusto ko lang po sana na humingi ng advice sa dapat ko pong gawin at mga kasama namin. Ako po ay nagtatrabaho sa isang garments factory dito sa Batangas. May limang taon na rin po ako sa aking trabaho pero hanggang ngayon ay wala kaming SSS.
Nag-aalangan po kaming itanong sa aming employer dahil sa takot kami na mapag-initan.
Bagaman isa pa po akong single ay gusto ko po sana na maging beneficiary ang aking mga magulang, pero mukhang wala pong plano ang may-ari na pinagtatrabahuhan ko na ipasok kami sa SSS.
Ano po ang dapat naming gawin? Kung sakali po ba ay pwede akong mag-voluntary contributions at magkano pa ang minimum na dapat kong bayaran. Sana po ay matulungan ninyo ako. Salamat po!
Gumagalang,
Elsie

REPLY: Ito po ay bilang tugon sa mga katanungan ni Ms. Elsie tungkol sa hindi pagre-report sa kanila ng kanyang employer pati na ang hindi pagre-remit ng contributions. Pinapayuhan po namin si Ms. Elsie na magsadya sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS upang mag-report.
Sinisiguro po ng SSS na hindi ipaaalam sa kanyang employer na mayroong naghain ng reklamo. Kailangan lamang siyang magdala ng patunay na siya ay employed sa naturang tanggapan katulad ng company ID, payslip, at iba pa.
Sa ganitong paraan, maipapaliwanag ng SSS sa kanyang employer ang mga responsibilidad nito sa pagre-report at pagbabayad ng contributions ayon sa batas.
Magsasagawa ang SSS ng imbestigasyon at batay dito ay ipaaalam sa employer kung magkano ang dapat nitong bayaran na contributions at penalty para sa mga empleyado nito.
Hindi po maaaring magbayad si Ms. Elsie ng contributions sa ilalim ng voluntary payment program dahil siya po ay employed. Sana po ay nabigyan namin ng linaw ang mga katanungan ni Ms. Elsie. Salamat po sa inyong patuloy na pagtitiwala.
Sumasainyo,
MAY ROSE DL FRANCISCO
SOCIAL SECURITY OFFICER IV
SSS MEDIA AFFAIRS

Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapag-
lingkuran sa abot ng
aming makakaya. Kaya naman huwag kayong mag-atubiling sumulat sa Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola St. cor. Pasong Tirad st., Makati City.Maaari rin kayong mag-email sa jenniferbilog@yahoo.com.ph or jbilog@bandera.ph. Serbisyo publiko sa AKSYON LINE. Kakampi mo! Maaasahan!

Read more...