NOONG nakaraang Miyerkules, sa aming radio broadcast ng mga laro ng PBA sa Mall of Asia Arena sa Pasay City ay mabanggit namin ni kasamang Benjie Santiago ang mga laro over the weekend ng Governors’ Cup.
Ani namin ay long weekend at tatlong iba-ibang venues ang paglalaruan ng liga sa susunod na tatlong araw. Umpisa sa Ynares Center sa Antipolo City kahapon, sa Angeles University Foundation Gym sa Pampanga ngayon at balik sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City bukas.
Binanggit din namin na tiyak na mapupuno ang Big Dome bukas dahil sa ang magkikita sa 6:45 p.m. main game ay ang Star Hotshots at defending champion Barangay Ginebra Gin Kings. Ito ang tinaguriang ‘Manila Clasico.’
Kamuka’t-mukat mo ay nag-text si NLEX team manager Ronald Dulatre na nagsabing may nakalimutan daw kami.
Nakalimutan daw naming sabihin ‘yung talagang main game sa araw na iyon.
Walang iba kundi ang duwelo ng NLEX Road Warriors at GlobalPort Batang Pier.
Oo nga pala! Kung ‘yung Ginebra-Star ang Manila Clasico, ang NLEX-GlobalPort naman ang Quezon City Clasico! At sa Quezon City ang venue, hindi ba?
Sabay text ni sir Ronald na nagsabing: “Ayan ang tama! Ang galing ninyo talagang bumawi! Hahaha!”
‘Yun pala ay may naitakda na si Sir Ronald na munting get-together sa PBA Cafe sa Pasig noong Biyernes ng gabi kung saan nakipag-dinner siya at sina coach Yeng Guiao kasama ng mga big bosses na sina Maynilad president at NLEX team governor Mon Fernandez at NLEX Corp. president at alternate governor Rod Franco.
Hayun at tuwang-tuwa ang mga taga-NLEX dahil sa achievement ng koponan sa kasalukuyang torneo. Biruin mong sa naunang Philippine Cup at Commissioner’s Cup ay nangulelat sila. Pero ngayon ay may anim na panalo na sila matapos ang walong laro.
Sigurado na silang pasok sa quarterfinals.
Pero ani Guiao, ang tunay nilang target ay makakuha ng twice-to-beat advantage sa susunod na round.
Iyon ay makakamit nila kapag napanalunan nila ang dalawa sa natitira nilang tatlong games. Bukod sa GlobalPort ay makakalaban pa nila ang TNT KaTropa sa September 13 at ang Star Hotshots sa September 22.
Mabigat pa, hindi ba?
Kung tutuusin ay GlobalPort lang ang tila madali.
Pero sinabi ni Guiao na walang madali ngayon. Natalo nga sila sa Blackwater, hindi ba?
So kakayod talaga sila para maabot ang kanilang pangarap.
Oo’t pasok na sila sa quarterfinals pero mas madali silang makakarating sa semis kung may twice-to-beat advantage sila.
Hindi ba’t napakalaking improvement iyon buhat sa pangungulelat.
Kaya nga ang sabi ng karamihan, mukhang malalampasan ng NLEX ang record ng mga nakaraang koponang hinawakan ni Guiao sa pabilisan ng pagkamit ng kampeonato.
Nagsimula lang sila nang mabagal. Pero bumilis nang lumaon!