POC ‘nagkagulo’ sa Kuala Lumpur SEAG

KUALA Lumpur — Inaasahang ipapasa ngayong araw ng 29th Southeast Asian Games host Malaysia ang baton sa Pilipinas bilang host ng 2019 Games.
Binigyan ng Malaysia Organizing Committee (MASOC) ang Pilipinas na maghandog ng 10 minutong presentasyon upang maipakita ang nais nitong gawin para sa 2019 SEA Games subalit nabalot ng kaguluhan ang tradisyunal na pagtanggap ng bandila ng pangrehiyong torneo dahil sa kaganapan sa loob mismo ng Philippine Olympic Committee (POC).
Isang sulat ni Team Philippines Chef de Mission Cynthia Carrion ang lumabas na bumabatikos sa pamunuan ng POC matapos na hindi payagan ang inihanda sana na presentasyon ng Pilipinas na katatampukan sana ng palabas mula sa Department of Tourism (DoT).
Nakahanda na maglabas ng pahayag ang pamunuan ng POC hinggil sa naging kaguluhan kung saan napag-alaman na dapat sanang gumastos ng P8.3 milyon ang DoT para sa pagtatanghal subalit hindi naman ito pinayagan dahil hindi aprubado at hindi dumaan sa POC Board.
Samantala’y patuloy pa rin na naghahanap ng gintong medalya ang delegasyon ng Pilipinas sa pinakahuling araw ngayon ng torneo kung saan may pito pa na natitirang paglalabanan bago ang opisyal na pagsasara Huwebes.
Nagbigay naman ng surpresang panalo ang equestrian noong Lunes.
Nag-ambag ang baguhan na si John Colin Syquia, na mula sa Florida, sa kanyang unang pagsabak sa torneo sa pagwawagi sa individual showjumping para ibigay sa bansa ang ika-23 nitong ginto at pinakauna para sa asosasyon ng equestrian sapul noong 2011 sa Palembang.
Sakay ng kabayo na si Adventure E, binalewala ni Syquia ang pagtatabla matapos ang dalawang round sa pagtala ng pinakamabilis na pagtatapos sa course sa 37.63 segundo kontra Malaysian Sharmini Christina Ratnasingham (41.30 seconds) at Dato’ Seri Mahamad Fathil Qabi Ambak (41.66 seconds).
“This (gold medal) is very special because this is the first time for me to compete in the SEA Games,” sabi ng 46-anyos na isinilang sa Quezon City at isang professional equestrian at horse-dealer na nagpapartisipa sa horse show at derbies in Wellington, Florida.
Inaasahang hindi maaabot ng Pilipinas ang target nitong manalo ng 50 gintong medalya at nahaharap sa pinakamasaklap nito na pagtatapos kung pagbabatayan ang mga naiuwi nitong mga medalya sa nakalipas na 18 taon.
Matatandaan na nagawa ng Pilipinas na makapag-uwi ng tig-29 na ginto sa nakalipas na dalawang edisyon ng torneo sa Myanmar noong 2013 at sa Singapore noong 2015.
Bago pa ito ay natikman ng Pilipinas ang pinakamababa nitong pagtatapos sa Brunei SEA Games noong 1999 kung saan nagawa lamang nitong mag-uwi ng kabuuang 20 ginto. Nakataya lamang sa Brunei Games ang 233 ginto na mas kakaunti kumpara sa nakataya ngayon sa Kuala Lumpur. —Angelito Oredo

Read more...