NAPAKARAMING mga Pinoy ang ilegal nang nananatili sa Kuwait.
Ayon sa ulat, may 10,000 na silang ilegal doon. Aba’y malaking bilang iyan!
Pero sinasadya na nga ba ng Pinoy na mag-ilegal? Kapag nagustuhan na kasi nila ang kanilang trabaho, maayos na kalagayan at buhay roon, ayaw na talaga nilang bumalik.
Tulad din sa mara-ming mga bansa, hindi maaaring ikatuwiran ng isang Pinoy na hindi niya kagustuhan ang pananatili ng ilegal doon, lalo pa’t may maayos naman siyang trabaho at naninirahan na akala mo’y normal lamang ang lahat. Kusang ginusto nila iyon!
Maaari lamang ma-natili ang isa na ilegal na, kahit labag pa iyon sa kaniyang kalooban, kung may mga kaso itong kinakaharap at dinidinig sa mga hukuman doon.
Wala naman silang magagawa kung sila ang kinasuhan, o sadyang gumawa ng krimen doon, dahil kailangan nilang harapin ang problemang iyon.
Gustuhin man nilang umuwi na, hindi rin pupuwede dahil kaila-ngan pa nilang pagbayaran ang kasalanang nagawa! Maaaring ilang buwan o maraming mga taong pagkakakulong at saka lamang sila pauuwiin at maaaring hindi na pahintulutang makabalik pa.
Ngunit para sa mas maraming namumuhay nang ilegal na, sinasadya na nila iyon! Talagang gusto na nilang mamuhay doon hanggang sa maging legal ang kanilang kalagayan.
Maraming mga kababayan tayo ang hindi talaga umuuwi sa kanilang mga kapamilya sa Pilipinas, kahit pa mahi-git 10 taon na o higit pang mga taon nang naroroon.
Titiisin nila ang pa-ngungulila at umaasang magiging legal din naman siya at sa bandang huli, sa loob-loob niya, magkakaroon pa siya ng tsansang makuha ang pamilya.
Ngunit ang totoo, nagustuhan na nilang mamuhay sa abroad. Masakit man sabihin, pati na ang pag-iisa, natatanggap na nila at naiibsan ang kalungkutan sa bagong kapaligiran at mga kaibigan. Hindi na raw nila makita ang sariling nasa Pilipinas at nagsusumikap pa rin sa buhay sa kakarampot na sinusuweldo.
Hindi nila kayang iwan ang malaking halaga na kanilang kinikita sa abroad kung ikukumpara nga naman sa kanilang kinikita sa Pilipinas sa kaparehong trabaho.
Kung iyan ang kaisipan ng mga kababayan natin, one way ticket na nga lang ang dapat nilang bitbitin at wala nang plano pa na pansamantala lang silang mag-aabroad.
Pero ang nakalulungkot, habang naghihintay ng pagkakataon na makuha sana ang pa-milya, sa paglipas ng panahon, nagkakaroon tuloy sila ng ibang pa-milya doon at sa bandang huli, nagreresulta ito sa pagkawasak ng kanilang mga tahanan.
Ayaw na kasi nilang umuwi ng Pilipinas, kung kaya’t minabuti na rin ng ilan na bumuo na lamang ng isa pang pamilya sa abroad. Ginusto rin nila iyan! Walang puwedeng pumilit sa kanila niyan!
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com