TAMA ang sinabi ni Sen. JV Ejercito: Dapat huwag salinan ng pulitika ang pagpatay ng mga pulis kay 17-anyos Kian Lloyd delos Santos.
“The issue of Kian should go beyond politics. The issue is humanity. The best way to give justice to Kian is to make this horrific crime does not happen again to any minor,” ani Ejercito.
Alisin natin ang pulitika sa pagkapatay kay Kian at dapat magkaisa ang buong bansa na ipanawagan na hindi na maulit ang pagpatay ng mga inosente sa kampanya laban sa droga.
***
The killing of Kian was a case of mistaken identity. Lahat ng kanyang mga kapitbahay at kaklase ay nagsasabing hindi siya runner sa droga na sinasabi ng mga pulis-Caloocan.
Mapapalampas na sana ang pagkakamali ng mga pulis—sila’y mga tao lamang—pero pinlantingan pa nila ng baril ang bangkay ni Kian sa kaliwang kamay samantalang ang bata ay right-handed.
At mas naging malala ang kaso nang nagbigay ng komento ang estupidong piskal ng Caloocan City, na si Darwin Canete na malayong maging inosente si Kian dahil siya’y runner ng drugs.
At umentra pa si Justice Secretary Vitaliano Aguirre nang kanyang sinabi na walang dahilan na alisin niya si Piskal Canete sa puwesto dahil ginagawa naman nito ang kanyang trabaho.
At pinalaki pa ni Aguirre ang kanyang pagkakamali nang sinabi niya na “isolated incident” lamang ang pagpatay ng mga pulis kay Kian.
Masyado kasing madaldal itong si Aguirre.
***
Dumistansiya ang Malakanyang sa justice secretary nang sinabi nito na ihaharap sa hustisya ang mga pulis na pumatay kay Kian.
Dapat sigurong maghanap-hanap na ng kapalit si Pangulong Digong kay Secretary Aguirre.
Ang justice secretary ay naging pabigat na sa Pangulo lalo na sa mga panahong ito na kelangan niya ng suporta sa publiko sa kanyang puspusang kampanya laban sa droga.
***
Sinabi ng Department of Agriculture (DA) na nasugpo na nito ang pagkalat ng bird flu virus sa buong bansa.
Kung noong unang outbreak ng bird flu sa dalawang barangay sa San Luis, Pampanga, ay na-quarantine agad ng DA ay hindi na sana kumalat ito.
Kumalat ang bird flu dahil natutulog sa pansitan ang mga fieldmen ng DA. Di nila na-detect ang outbreak sa San Luis.
An ounce of prevention is worth more than a pound of cure.
***
Milyon-milyong katao ang hindi kumakain ng manok at itlog dahil sa sinabi ni Agriculture Secretary Manny Piñol na ang bird flu virus sa Pampanga ay may H¹N¹ strain, na naisasalin sa tao.
Ang nasabing strain ang naging sanhi ng pagkamatay ng ilang katao sa Hong Kong 20 taon na ang nakalilipas.
Nagkamali si Piñol, na isang tenderfoot agriculturist, dahil ordinaryong bird flu ang tumama sa mga manok sa San Luis gawa ng pabago-bago ang temperatura ng panahon (init-ulan, ulan-init) at maruming kapaligiran.
Pero hindi gumawa ng proper correction si Piñol sa kanyang pagkakamali.
Lubhang matayog ang “fried chicken” ni Piñol upang umamin ng kanyang pagkakamali.
***
Tsismis lang ang pagkakadawit ni Davao City Vice Mayor Paolo Duterte, anak ng Pangulo, sa smuggling ng P6.4 bilyon ng shabu.
Yan ang pahayag ni Surigao del Norte Congressman Robert Ace Barbers, chairman ng committee on dangerous drugs.
Sinabi ni Barbers na ang testimonya ni Mark Taguba, isang “fixer” sa Bureau of Customs, na hearsay lang dahil wala itong maipakitang pruweba na sangkot si Vice Mayor Duterte sa smuggling ng shabu na nasakote sa Valenzuela.
Sinabi kasi ni Taguba na may gumagamit ng pangalan ng anak ni Pangulong Digong na nasa likod ng tinawag niyang Davao Group.
Ang Davao Group diumano ang humihingi ng “tara” o tong sa bawat kargamento na nilalabas sa customs.
Tinanong ng komite ni Barbers si Taguba kung may personal siyang alam na sangkot sa Davao Group, pero sinabi ni Taguba na wala siyang alam, na tsismis lang ang nasagap niyang mga report.
“We don’t entertain hearsay na bunga ng isang tsismis,” ani Barbers.
Madali lang kasing magsabi na si ganito ay ganoon, pero walang pinapakitang pruweba.
Meanwhile, sira na yung tao pinaratangan dahil kumalat na ang careless na balita.