MAS gusto mo bang matulog na patay ang ilaw o bukas ito?
Kung mas nais mo ang huli, nangangahulugan na nasa panganib na ang iyong kalusugan.
Ayon kay Dr. Rafael Castillo, ang pagtulog sa gabi na bukas ang ilaw o ‘yung may liwanag mula sa labas ng iyong bintana tulad ng ilaw ng poste ay masama sa iyong kalusugan.
Nakadaragdag umano ito sa peligro ng breast, colon o prostate cancer.
Anya, merong mga datos mula sa pananaliksik na nagsasabi na ang mga tinatawag na ‘night-shift workers’ tulad ng mga doktor, nars, security guard, pulis at maging call-center worker ay mataas ang peligro na magkaroon ng kanser.
May pag-aaral din na nagsasabi na ang mga kababaihan na nakatira sa mga lugar na mataas ang lebel ng liwanag sa labas tulad ng streetlight ay mataas ang peligro sa breast cancer.
Ang pagiging lantad sa ‘night light’ ay iniuugnay din sa obesity o sobrang taba, diabetes, high blood pressure o altapresyon at mga sakit sa puso.
TV ginagawang lamp shade
Hindi rin maganda ang natutulog na nakabukas ang telebisyon.
Ang paulit-ulit na lantad sa gabi sa ‘blue light’ na inilalabas ng TV set, electronic gadget at LED lightbulb ay maaaring maging sanhi ng mahabang pinsala sa kalusugan.
Bagamat mayroong mga eyeglasses o “night shades” na ginagamit bilang panlaban sa blue light ito ay ginagamit lang para sa may trabaho sa gabi.
Bakit nga ba ang pagiging lantad sa ‘nighttime light’ o liwanag sa gabi ay malaki ang epekto sa iyon kalusugan?
May kaugnayan kasi ito sa pagkasira ng ‘hormonal balance’ sa iyong katawan.
Sa simula pa, ang araw kasi ang siyang ginagamit bilang pangunahing pinagmumulan ng liwanag at ang gabi, na halos binabalot ng kadiliman maliban na lamang sa liwanag na nagmumula sa buwan, ang nagsisilbing panahon para tayo matulog o magpahinga.
Ang katawan kasi ay orihinal na dinisensyo para sa araw at gabi na porma ng liwanag.
Sa dami ng mga artipisyal na ilaw na mayroon tayo ngayon, ang gabi ay para nang araw at ito ang nakakagambala sa biological clock o circadian rhythm ng ating katawan.
Melatonin blocker
Ayon sa mungkahi ng karamihan ng pananaliksik, ang pagiging lantad sa liwanag ay pumipigil sa paglabas ng melatonin, ang hormone na umaayos ng circadian rhythm.
Sa pagkakaroon ng sapat na lebel ng melatonin, nagkakaroon ng mas mahaba at malalim na pagtulog. Kung mababa naman ang lebel ng melatonin, maigsi ang oras at mababa ang kalidad ng pagtulog.
May ilang datos mula sa pananaliksik ang nagmumungkahi na ang mababang lebel ng melatonin ay maaaring nagpapaliwanag ng kaugnayan nito sa kanser.
Maliban sa posibleng pag-angat ng peligro sa kanser, may pag-aaral din na ginawa sa Harvard na nagmungkahi ng posibleng koneksyon ng pagiging lantad sa liwanag sa gabi sa diabetes at obesity.
Ayon naman kay Harvard sleep researcher Stephen Lockley maging ang ilaw mula sa table light ay nakakagambala sa circadian rhythm ng isang tao at sumisira sa paglabas ng melatonin.
Ang grupo ni Dr. Lockley ay nagsagawa rin pananaliksik na nag-uugnay sa maigsi at mababang kalidad ng pagtulog sa mataas na peligro sa depresyon gayundin sa diabetes at problemang cardiovascular.
Narito naman ang ilang paraan para mapanatiling malusog ang circadian rhythm ng iyong katawan:
1. Maglagay ng blackout shades o makapal na kurtina sa bintana ng iyong silid tulugan para mapanatili ang dilim sa iyong kuwarto sa gabi.
2. Takpan ang iyong mga mata ng dark shade tulad ng mga maskara na ibinibigay sa mga airline sa mga mahahabang biyahe.
3. Iwasang tumingin sa maliwanag na screen isang oras bago matulog.
4. Gumamit ng pinakamababang wattage o pulang bombilya para sa nightlight. Ang pulang ilaw kasi ang may pinakamababang lakas para mabago ang iyong circadian rhythm at mapigilan ang melatonin.
5. Iwasang buksan ang maliwanag na ilaw kung ikaw ay gigising sa gabi.
6. Kung ikaw ay isang night-shift worker o gumagamit ng maraming electronic device sa gabi gumamit ng blue light-blocking glasses o maglagay ng app na sumasala o nagpi-filter ng blue/green wavelength sa gabi para makatulong na mabawasan ang pagiging lantad sa blue light.
7. Magkaroon ng sapat na ‘sunlight’ sa araw sapagkat makatutulong ito na pataasin ang iyong pagtulog sa gabi.