Pilipinas wagi ng ginto sa men’s poomsae team event

KUALA LUMPUR, Malaysia – Pinutol ng Philippine men’s poomsae team ang pagkauhaw ng Pilipinas sa gintong medalya Sabado sa pagwawagi nito sa pagsisimula ng 29th Southeast Asian Games taekwondo competition dito sa Kuala Lumpur Convention Center.

Ipinalamas ng trio ng magkapatid na Dustin Jacob at Raphael Enrico Mella kasama si Rodolfo Reyes, Jr. ang halos perpektong routine at execution para tipunin ang 8.40 puntos para daigin ang limang iba pang mga karibal tungo sa ikatlong sunod na ginto sa SEA Games.

Una nang nagwagi ang national squad sa event noong 2013 Naypyidaw (Myanmar) SEAG tampok ang magkapatid na Mella bago sumama si Reyes noong 2015 sa Singapore.

Kumubra rin si Kiyome Watanabe ng gintong medalya matapos talunin si Senatham Orapin ng Thailand sa pamamagitan ng ippon sa loob ng 3 minuto at 26 segundo sa kanilang gold medal match sa women’s -63kg category judo competition.

Nag-ambag din sa kampanya ng Pilipinas ang showjumping team na nagawang magwagi ng pilak sa equestrian habang ang isa pa na pilak ay nakamit ni Anna Clarice Patrimonio na mabigo kay Luhsiha Kumkhum ng Thailand, 0-6, 1-6, sa women’s singles ng lawn tennis.

Nagkasya naman sa tansong medalya sina Clinton Kingsley Bautista sa 110m hurdles ng athletics gayundin ang naging London Olympian at Incheon Asian Games gold medalist Daniel Patrick Caluag sa BMX event.

Kinapos naman ang Fil-Japanese na si Shugen Nakano sa ginanap na Golden score (extra play) sa mas mataas at mabigat na kalaban na Indonesian na si Mohammad Syaiful Raharjo, 0-1, para magkasya lamang sa tanso sa  -66kg ng men’s judo sa Hall 5 ng KL Convention Center.

Bago ang ginto sa men’s poomsae team ay nagkasya lamang si Reyes sa tanso sa men’s poomsae individual.

Read more...