ANG tatlong dekada sa musika ng OPM icon na si Jamie Rivera ay bibigyang pugay sa “Hey It’s Me, Jamie!” tribute album.
Isa itong collection mula sa Star Music tampok ang ilan sa mga pinasikat na awitin ng Inspirational Diva, at ito ay unang mabibili sa nalalapit niyang concert na may parehong titulo at magaganap sa Music Museum sa Sept. 8 (Biyernes).
Kabilang ang mga Kapamilya artists na sina Janella Salvador, Ylona Garcia, Bailey May, Morisette, JC Santos, Juris, Jed Madela, Jona, Yeng Constantino, Angeline Quinto, Vina Morales, Erik Santos at Ogie Alcasid na nag-record ng mga kantang inawit at isinulat ni Jamie bilang pagkilala sa kontribusyon niya sa larangan ng musika sa loob ng 30 taon.
Mayroon ding awitin ang dating “Miss Saigon” actress na kabilang sa bago niyang album, ang kantang “Thank You” na inaalay niya sa kanyang mga inspirasyon – para sa kanyang mga fans, pamilya, at sa Diyos.
Ayon sa OPM singer, nagpapasalamat siya na inabot niya ang tatlong dekada sa industriya, isang milestone na hindi niya inaasahang darating. Higit rin siyang nagpapasalamat para sa pinaghahandaang concert at sa ilulunsad na album.
Kasama sa “Hey It’s Me, Jamie!” compilation ang ilan sa mga pinaka-sumikat niyang love songs, ang “Hey It’s Me” (Janella), “I’ve Fallen For You” (Ylona and Bailey), “Mahal Naman Kita (Morissette), “I’m Sorry” (Juris), “Awit Para Sa’yo (JC), at “Say You’ll Never Go” (Yeng).
Nasa album din ang mga sumikat niyang komposisyon na “Maybe” (Jed and Jona) na unang inawit ng Neocolours, at ang “Kay Palad Mo” (Angeline) na unang kinanta naman ni Lilet.
Tampok din dito ang kanyang hindi makakalimutang inspirational songs –ang “Jubilee Song” (Vina and Erik) at “We Are All God’s Children” (Ogie).
Sina Malou Santos at Roxy Liquigan ang executive producers ng “Hey It’s Me, Jamie!” album kasama si Jonathan Manalo bilang over-all producer. Mabibili na ito sa digital stores worldwide simula Sept. 8. Maaari rin itong mabili sa mga record stores pagkatapos ng kanyang show.
Makakasama ni Jamie sa kanyang upcoming concert sina Jona, Bailey at Janella, ilan sa mga mang-aawit na bahagi ng kanyang bagong album. Mayroon ding special numbers sina Pinky Amador, Ito Rapadas, Jenine Desiderio, Bimbo Cerrudo, Jason Zamora, Joshua Zamora at Klarisse de Guzman with Bond Samson as musical director and Paolo Valenciano bilang stage director mula pa rin sa Star Events.
Mabibili na ang tickets sa “Hey It’s Me, Jamie!” concert sa Ticketworld (891-9999) at sa Music Museum (721-6726).
q q q
Sa pagtatapos ng Hay, Bahay! ngayong Linggo, isang bagong buhay ang haharapin nina Lav (Ai Ai delas Alas), Vio (Vic Sotto), Yoyo (Oyo Sotto), Batch (Kristine Hermosa), Sikat (Wally Bayola) at Mael (Jose Manalo).
Matapos makatanggap ng malaking lupa sa Cebu, nakapagpasya ang bagong kasal na sina Lav at Vio na doon na lang tumira. Kailangang sumama ni Sikat sa kapatid, pero parang may pumipigil sa kanya.
Samantala, sa pag-alis nina Lav at Vio ay nagdedebate naman ang mag-asawang Batch at Yoyo kung sino ang dapat mag-alaga kay Baby YY sa oras na bumalik na sa trabaho si Batch.
Yan at iba mga nakakaloka at nakaka-inspire na mga eksena ang mapapanood sa huling episode ng Hay, Bahay! nina Ai Ai at Bossing. Alamin kung sino nga ba sa mga bida at kontrabida ang may happy ending ngayong Linggo pagkatapos ng 24 Oras sa GMA.