KUALA Lumpur — Sa anim na atletang ilalahok ng Pilipinas sa judo competition ng 29th Southeast Asian Games na mag-uumpisa ngayon dito sa KL Convention Centre ay inaasahan nitong mananalo ng dalawang gintong medalya.
“We are trying to get four medals, two golds but we are assured of one sa event ni Kiyomi (Watanabe),” sabi ni Philippine Judo Federation president David Carter. “Lahat naman sila medal potentials, pero mahirap mangako sa makukuha.”
Nakatuon ang 20-anyos na tubong Cebu City pero lumaki sa Japan na si Watanabe sa ikatlong sunod na gintong medalya sa SEA Games.
Nagtagumpay si Watanabe sa women’s 63-kilogram event noong 2013 (Myanmar) at 2015 (Singapore). Naka-bronze lamang siya sa kanyang debut noong 2011 sa Jakarta.
Ang apat pang gaya niyang Filipino-Japanese na magtatangka ng ginto ay sina Kohei Kohagura, 20, sa 81kg at 20-year-old twin brothers na sina Kensei Nakano sa 73kg at Kensei Nakano sa 66kg sa men’s division, at Mariya Takahasi, 16, sa 70kg sa women’s side.
Pati ang nag-iisang purong Pinay na 17-anyos at produkto ng Philippine Sports Commission-Batang Pinoy/Women’s Martial Arts Festival na si Sydney Sy Tancontian (78kg) ng Davao City ay inaasahan ding hahataw para sa ginto.
Maguumpisa rin ngayon ang apat na araw na taekwondo event kung saan 12 atleta ang ilalaban ng Pilipinas.
Target ng koponan na mahigitan ang tatlong gintong medalya na nakuha ng bansa noong 2015. —Angelito Oredo