PH kampeon sa SEAG ice hockey

 

KUALA Lumpur, Malaysia — Hindi nagpatinag ang Philippine men’s ice hockey team sa protesta at hindi paglalaro ng kanilang team captain sa final match upang tanghaling pinakaunang kampeon sa ice hockey competition ng Southeast Asian Games dito sa Empire City, Damansara Perdana.
Mahigit dalawang oras naantala ang gold medal match matapos iapela ng Pilipinas ang inihaing suspensiyon sa team captain nito na si Steven Fuglister na hindi pinayagan maglaro dahil sa natanggap na suspension penalty sa semifinals kontra host Malaysia.
Gayunman, binalewala ng koponan at ginawa nitong motibasyon ang hindi paglalaro ni Fuglister sa finals upang manalo kontra Thailand sa iskor na 5-4.
“The guys played with additional motivation and got inspiration from their team captain,” sabi ni Hockey Philippines tournament director Francis Gautier.
Ito ang unang pagkakataon na isinama bilang regular sports ang ice hockey sa kada dalawang taon na palaro.
Samantala, lumapit sa pagsungkit ng gintong medalya sina Cheska Centeno at Rubilen Amit na umabot na semifinals ng women’s 9-ball singles event.

Tinalo nina Centeno at Amit ang kani-kanilang katunggali kahapon at kung pareho silang magwawagi sa semifinals ay magkakaroon ng all-Filipino finals ngayon.
May isang bronze pa lamang ang billiards sa SEA Games mula kina Dennis Orcollo at Warren Kiamco sa doubles event. —Angelito Oredo

 

Read more...