Finals berth pakay ng Gilas Pilipinas


Mga Laro Ngayon sa MABA Stadium
10:15 a.m. Philippines vs Vietnam (women)
5 p.m. Philippines vs Singapore (men)

KUALA Lumpur — Dalawang panalo na lamang ang kailangan ng Gilas Pilipinas para matagumpay na maiuwi ang ika-18 na gintong medalya sa men’s basketball ng Southeast Asian Games.

Makakasagupa ng Pilipinas, na nanguna sa Group A na may 3-0 record, sa crossover semis ngayong alas-5 ng hapon ang Singapore na tinalo ang Vietnam sa kanilang Group B match Huwebes ng gabi.

Sa isa pang semifinals duel ay maglalaban ang Group B topnotcher Indonesia (3-0) at Group A second placer Thailand (1-1).

Ang mga mananalo sa semis ay magsasagupa para sa gold medal.

Sinungkit ng Pilipinas ang ikatlong sunod na panalo laban sa Malaysia Miyerkules ng gabi na kinatampukan ng ejection nina Carl Bryan Cruz at Baser Amer sa larong muntik nang mauwi sa riot kung hindi lamang nakalma at nakontrol ng mga referee ang laban.

Nag-ugat ang kaguluhan sa gitgitan at ipitan ng braso nina Kevin Ferrer at Kuek Tian Yuan sa mid-court habang nakadepensa ang una sa huli at lumusob si Amer para paghiwalayin ang dalawa. Pumasok din si Cruz para umawat sa namumuong tensyon.

Inianunsyo na lang matapos na humupa ang tensyon ang ejection nina Cruz at Amer. Nakatanggap pa ang ilang mga Pinoy na nakaupo sa bench ng pananakit mula sa isang Malaysian fan bagaman sinaway ito ng guard sa stadium.

Ang mainit na tagpo ang nagpasiklab sa Nationals na lalo pang lumayo sa 73-46 sa pagtatapos ng ikatlong yugto mula sa 47-35 haltime lead tungo sa 32-point win at mag-light practice lang kahapon para sa kanilang laban sa semis.

Nagtala ng double-double figure ang naturalized player na si Fil-German Christian Karl Standhardinger sa pangatlong sunod nitong laro sa naitalang 18 puntos at 18 rebounds. Nagtala rin ito ng double-double sa panalo ng Pilipinas kontra Thailand (81-74) at Myanmar (129-34).

“Marami pa kaming dapat i-improve. ‘Yung execution at defense, di dapat maging complacent. Isang kurap mo rito, mahirap na,” sabi ni national coach Joseph Uichico. “Di dapat magkumpiyansa.”

Maghaharap naman alas-10:15 ng umaga ang Perlas Pilipinas at Vietnam sa women’s division. Wala nang pag-asa pang manalo ng ginto ang Pilipinas bagaman pinupuntirya pa nito ang pilak.

Read more...