OK na sana na meron tayong alternative na paraan ng pagkuha ng sasakyan dahil sa Uber at Grab. Malinis, ligtas at maayos ang presyo nila.
Pero sana, tulad ng nararapat, sumunod naman dapat sa batas ang Uber para maaliwalas ang paghatag ng serbisyo sa mamamayan.
Hindi yung bigla na lang nawawala lagi ang serbisyo dahil ayaw sumunod ng Uber sa takdang batas.
Ang kaso mo, imbes na gastusan ng Uber ang kanilang negosyo para maging legal at tuluy-tuloy ang serbisyo, gumagastos sila sa public relations o PR effort para siraan ang regulating agency na takda sa negosyo nila at maituloy ang operasyon nila ng walang regulation.
Isang PR firm umano ang kinuha ng Uber para magpakalat ng impression na sila ang tama at mali ang mga paratang ng LTFRB sa kanila. Ayon sa source natin, may pasimulang P15 milyon budget ang Uber para kontrahin sa pamamagitan ng PR ang aksiyon sa kanila ng LTFRB at iba pang ahensiya ng pamahalaan.
Sa PR campaign na ito, layunin ng Uber na gawing pogi sila sa mata ng publiko kahit magiging ilegal na ang operasyon nila.
Ilegal, dahil sa bansa natin, lahat ng mga negosyo ay dapat sumasailalim sa isang regulating agency ng gobyerno para sa patas na kompetisyon.
Pero, tulad ng naging gawi ng Uber sa buong mundo, kinakalaban nila ang batas dahil wala umanong batas na sumasakop sa kanila.
Sa PR campaign na ito, nagbabayad ang Uber gamit ang isang PR agency ng mga influencers at bloggers para kampihan sila at palabasin na tama sila.
Ayon sa impormasyong nakuha ko, isa sa tumanggap umano ng P250,000 ang isang influencer para maglabas ng mga sensational posts kontra sa LTFRB kahit hindi ito totoo.
Isa na rito ang pagbuhay sa lumang kuwento na nais magtayo ng LTO at LTFRB ng sarili nilang premium taxi service. Meron ding mga social media posts na hindi totoo pero pinalalabas na galing sa mga followers niya.
Iniimbestigahan ngayon ng NBI ang post ng influencer na ito sa kasong cyberlibel na maaaring isampa laban sa kanya.
Kampi na sa Uber ang madlang mananakay dahil totoong mahusay ang sistema nila sa serbisyo.
Semplang kasi talaga ang LTFRB sa mga aksiyon nila. Hindi rin nakakatulong ang mga sinasabi ni Martin Delgra at Aileen Lizada tungkol sa isyung ito.
Pero para gumamit pa ng isang influencer na bayad ang Uber at gamitin sa mga pagdinig ukol sa isyu at siraan ang isang government agency na walang laban dahil wala naman talagang kredibilidad ay overkill na.
Ayusin niyo na lang ang permit ninyo Uber. Gamitin ninyo ang PR fund ninyo at pondohan ang isang research para sa tamang regulation ng bagong industriya ninyo imbes na gugulin ito sa mga influencers at bloggers.
Dahil baka pag hindi niyo na sila binabayaran, baka kayo pa ang buweltahan ng mga ito at bigyan kayo ng sakit ng ulo.
Para sa comments and suggestion sumulat lamang sa irie.panganiban@gmail.com o sa inquirerbandera2016@gmail.com