“AKO po si Jake Zyrus at ako po ay isang transman!” Ito ang buong-tapang na inamin ng international singer sa buong mundo tungkol sa kanyang tunay na pagkatao.
Mapapanood ang masalimuot, madrama, makulay at inspiring na life story ni Jake Zyrus (dating Charice Pempengco) sa Maaalaala Mo Kaya ngayong Sabado.
Kung matatandaan, noong 2008, nai-feature na sa MMK ang buhay ni Charice kung saan nakasama naman niya ang Divine Diva na si Zsa Zsa Padilla na siyang gumanap bilang nanay niya (Racquel Pempengco). Pero sa MMK episode sa darating na Sabado, mapapasabak naman si Jake sa matinding dramahan at iyakan kasama si Dina Bonnevie bilang Mommy Racquel.
Nakilala ang pangalang Charice sa buong mundo dahil sa amazing talent niya sa pagkanta, lalo na sa pagbirit. Ngunit sa kabila ng natamong tagumpay, hindi pa rin siya naging maligaya, feeling niya hindi siya nagiging totoo sa kanyang sarili at sa mga taong sumusuporta sa kanya.
Sa murang edad, alam na ni Charice ang kanyang sexual preference dahil sa mga babae siya nagkakagusto. Nang makilala na siya sa music industry, napilitan siyang itago ang kanyang tunay na pagkatao, lalo na sa kanyang napakaistriktong ina.
Sinunod niya ang utos ng kanyang manager at ni Mommy Racquel na huwag ibabandera sa publiko ang kanyang tunay na pagkatao dahil nga sa tinatamasang kasikatan. Ngunit dumating ang panahon na nagsunud-sunod ang mga pagsubok sa kanyang personal na buhay kung kaya tatlong beses siyang nagtangkang magpakamatay.
Nang matauhan, nagdesisyon si Charice na harapin na ang katotohanan at ipagsigawan sa buong mundo kung sino siya – pinatay na niya si Charice para ipakilala si Jake Zyrus. Paano tinanggap ng kanyang pamilya, lalo na ng kanyang ina si Jake Zyrus? Anu-ano pa ang mga hinarap niyang pagsubok habang siya’y lumalaki at paano niya kinaya ang ilang beses na pagkabigo sa pag-ibig?
Bukod kay Dina, makakasama ni Jake sa epesyal na episode na ito ng MMK sina Sharlene San Pedro bilang dalagitang Charice, Mutya Orquia as batang Charice, Paul Salas at Andrei Garcia bilang Koykoy, Eric Ocampo bilang Kate, Mike Lloren as Ricky, Karla Pambid as Agnes, at Troy Montero bilang talent manager.
Ito’y sa direksyon ni Nuel Naval sa panulat ni Benson Logronio. Napapanood ang MMK tuwing Sabado ng gabi hosted by Charo Santos.
Samantala, inamin ni Charice na super in love siya ngayon kay Shyre Aquino, na isang registered nutritionist-dietitian na ibinandera sa buong mundo ang pagmamahal sa kanya.
Nag-post pa ito ng photo nila together na may caption na “I love you for who you are.” Reaksyon ni Jake rito, “My life is an open book, sinabi naman niya, what you see is what you get. Masaya ako, masaya kami.”