PUTOK na ang balita na dito sa Pilipinas gaganapin ang rematch sa pagitan ng ating Pambansang Kamao at ng Australian boxer na si Jeff Horn sa darating na Disyembre.
Wala raw gagastusin ang ating bayan sa nasabing muling pakikipagduop ni Senador Manny Pacquiao sa tumalong boksingero sa kanya ilang buwan na ang nakararaan.
Mismong si Ms. Wanda Teo ng Turismo ang nagsabing puro mga sponsors lang na makukuha sa labanan ang panggagalingan ng budget para sa gagastusin, walang mababawas sa kaban ng yaman ng ating bayan, malaking promosyon din daw para sa Pilipinas ang nakatakdang laban.
Muli ay nagpakawala ng sentimyento ang mga kababayan nating nu’n pa nagpapayo kay Pacman na huminto na sa pag-akyat sa ring. Ano pa raw ba naman ang dapat niyang patunayan, samantalang walong belt na ang kanyang naangkin sa larangan ng boxing, hindi na rin daw magugutom ang kanyang pamilya dahil sa mga milyones na meron siya.
Pero ganu’n nga yata ang mga bagay na malapit sa ating puso, mahirap iwasan, lalo na’t nu’ng nakaraan niyang pakikipagsalpukan ay talo ang ating manok sa Australyano.
Sabi ni prop, “Napakabata ng kalaban ni Pacman, napakalayo na ng edad niya sa gusto na naman niyang makasukatan ng lakas. Ano ba ang gusto niya, ang matalo na naman siya bago siya tumigil sa pakikipaglaban?
“Tama na, napatunayan na niya ang tindi ng kamao niya, alam na ng buong mundo na ibang klase siyang boxer, kaya sana naman, e, huwag na siyang pumagitna pa uli sa ring!” komento ni prop.
May katwiran ang katwiran.