Dalawang babae sa Ormoc City ang nasawi habang mahigit 50 bahay ang napinsala nang yanigin ng magnitude-5.1 lindol ang ilang bahagi ng Leyte Miyerkules ng umaga, ayon sa pulisya.
Nasawi si Maria Contreras Colasito, 51, matapos mabagok, sabi ni Supt. Ma. Elma delos Santos, tagapagsalita ng Ormoc City Police, sa isang text message.
Natumba si Colasito, residente ng Brgy. Naungan, habang tumatakbo noong lumilindol, aniya.
Inatake naman sa puso si Rosita Baloro, 70, residente ng Brgy. San Jose, noong kasagsagan ng pagyanig, ani Delos Santos.
Samantala, 56 bahay ang “slightly damaged” o bahagyang napinsala, dahil sa lindol, sa Brgy. Altavista, doon din sa Ormoc, sabi ni Chief Insp. Ma. Bella Rentuaya, tagapagsalita ng Eastern Visayas regional police.
Naganap ang lindol alas-6:26, tinatayang 5 kilometro hilagang-silangan ng bayan ng Albuera, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology.
Nakaramdam ng Intensity 5 sa Albuera and Ormoc City, pero Intensity 6 ang naitala ng seismic intruments sa lungsod, ayon sa PHIVOLCS.
Intensity 4 ang naramdaman sa bayan ng Pastrana, sinundan ng Intensity 3 sa Tacloban City at Palo; habang nakapagtala ng “instrumental” Intensity 1 sa Cebu City, ayon sa ahensiya.
Naganap ang pagyanig mahigit isang buwan pa lamang matapos ang magnitude-6.5 lindol na yumanig din sa Leyte at iba pang bahagi ng Visayas noong Hulyo 6.
Tatlo katao ang nasawi, mahigit 400 ang nasugatan, at mahigit 3,000 bahay, gusali, at establisimyento ang napinsala sa naunang lindol, na nagdulot din trauma sa ilang residente. (John Roson)
MOST READ
LATEST STORIES