SINABON ng isang government official ang kanyang mga staff makaraang sumablay ang mga ito na mailabas sa Facebook live ang isa sa kanyang mga speaking engagement.
Kilalang adik sa social media ang opisyal na ito ng gobyerno kung saan pati ang simpleng pagkain sa restaurant ay kinukunan pa anya ng mga litrato at saka ina-upload sa kanyang FB account.
Matagal na ring napapansin ng kanyang mga kasamahan sa ahensiya na kanyang pinamumunuan ang pagkahilig nito sa selfie.
Kahit naiirita ang kanyang mga kasamahan ay dedma na lamang sila tutal ay sa selfie lang naman daw magaling si Sir samantalang laylay naman ang kanyang
management skills sa tanggapan na pinamumunuan niya.
Sa isang event sa Central Luzon ay naimbitahan ng ilang barangay official si Sir na magsalita sa kanilang event.
Malapit sa kanya ang barangay sector dahil naging pinuno rin siya nito sa mga nakaraang panahon.
Kabilinbilinan ni Sir na i-live sa kanyang FB page ang kanyang talumpati bago pa man siya umakyat sa stage.
Tulad ng inaasahan ay todo pabida si Sir lalo na sa punto ng pagsasabing malapit siyang kaibigan ni Pangulong Duterte kahit na alam naman nating tsamba lang kung bakit siya naging close sa Pangulo.
Todo sa pagyayabang si Sir dahil ang buong akala niya ay napapanood siya ng kanyang mga followers at friends sa FB.
Nang matapos ang event ay ni-review ng opisyal ang kanyang FB account at doon niya natuklasan na hindi pala nai-live ang kanyang talumpati na pinaghandaan pa naman niya.
Bukod sa mura ay maghapong sinabon ng opisyal ang kanyang mga tauhan na nabigong i-live sa FB ang speech ng opisyal.
Ang opisyal na adik sa selfie at FB ay itago na lang natin sa pangalang Mr. M….as in Market.
Ang kanyang tanggapan ay nasa Central Luzon.