USAP-USAPAN ng production at ilang artista ang tungkol sa aktres na hanggang ngayon ay hindi pa rin nagbabago ng ugali pagdating sa trabaho.
Wala naman daw angal ang mga co-stars ng aktres pagdating sa pag-arte dahil mahusay naman talaga siya, “Pero kung ang attitude mo ay hindi nagbago, mababalewala ang galing mo!” ang sabi sa amin ng isang katrabaho ng female star.
Kuwento sa amin, “Alam mo ba yung feeling na may hinahabol kang cut-off o oras dahil kailangan kunan mo na sikat ang araw o kaya paglubog ng araw na hindi mangyayari dahil laging late darating sa set?
“Okay na sana ‘yung isa o dalawang oras late, pero dapat mahihiya ka na kasi ‘yung co-stars mo ang laging maagang dumating sa set, di ba? Tapos darating ka hindi ka pa nakaayos?
“Siyempre magpapa-make up ka, aabutin ng ilang oras dahil mas marami pa ang tsikahan sa dressing room bago matapos? Simpleng make-up inaabot ng isa’t kalahating oras? Anong petsa na?
“Yung kukunang paglubog ng araw, wala na, kaya ibang eksena na lang para hindi masayang ang oras. At ‘yung kukunang pagsikat ng araw kinabukasan, wala na, paglubog ng araw ang inaabot. Nakakaloka, di ba?
“Kaya para makunan ‘yung pagsikat ng araw, kailangang mag-overnight pero ayaw ni _____ (kilalang aktres) kasi uuwi na raw siya, e, tanghali na dumating kinabukasan. Kaya ‘yang pagsikat ng araw na ‘yan, dinaya na lang.
“Ang kasama niyang mga artista, hindi na lang kumikibo, pero halatang irita na, alam mo ‘yun, may sarili rin silang buhay. Kaya ‘yung iba, ayaw na nilang makatrabaho ang babaeng yan maski na magaling at sikat,” litanya ng aming kausap.
Kuwento pa ng aming source, isang eksena na lang ang kukunan at uwian na, pero inabot pa ng ilang araw bago makunan, “Isang simpleng eksena lang, ha, kung baga iikot lang ang kamera, hindi pa nangyari dahil may tumawag sa kanya. Inabot siya ng dalawang oras pagkatapos nag-dialogue siya ng, ‘O, cut-off time ko na, uwi na ako.'”
Ngayon namin lubos na naiintindihan kung bakit maraming nagsasabing mahirap katrabaho ang aktres.