KUALA LUMPUR — Ipinaghiganti nina bantamweight Mario Fernandez at light welterweight Charly Suarez ang masaklap na kabiguan ni light flyweight Carlo Paalam kahapon sa pagtala ng matinding panalo upang masiguro ang tansong medalya para sa Pilipinas sa boxing competition ng 29th Southeast Asian Games na isinasagawa dito sa Malaysian International Trade and Exhibition Center.
Si Fernandez, na nakatutok sa kanyang ikatlong SEA Games gold medal, ay mataktikang umakyat sa semifinals sa unanimous decision na panalo kontra Tran Phu Cuong ng Vietnam habang ibinawi ng nagbabalik na si Suarez ang best friend na si Paalam sa pagpapatahimik sa maingay na manonood sa panalo kontra Khir Akyazlan Azmi ng Malaysia.
“Nag-concentrate po ako talaga sa laban kasi baka mangyari ang katulad kay Carlo,” sabi ni Suarez, na hangad mabawi ang kanyang napanalunang mga SEA Games gold medal bilang featherweight sa Vientiane, Laos noong 2009 at sa light welterweight noong 2011 sa Jakarta, Indonesia.
Nagwagi si Suarez sa apat na judges sa pagdomina sa Malaysian sa unang round sa pinatama nito na body punch bago nasapul ng right cross sa three-punch combination sa ikatlong round ang kalaban na nagpuwersa sa referee para sa standing eight count.
“Akala ko po, hindi bibilangan eh,” sabi ni Suarez, na nakapagkuwalipika sa nakaraang taon na Rio De Janiero Olympics subalit agad na nabigo sa una pa lamang nitong laban.
Una nito ay ipinamalas ni Fernandez ang kanyang estilo sa pagbigo kay Cuong sa loob ng tatlong round upang lumapit sa dalawang panalo para sa kanyang ikatlong sunod na gintong medalya.
“Nagpapasalamat po ako sa Panginoon at binibigyan po niya kami ng magandang kundisyon,” sabi ni Fernandez, na sinamahan sina flyweight Ian Clark Bautista, middleweight Eumir Felix Marcial at Suarez sa semifinal round.
Ang mga panalo ay nagtakip sa kuwestiyonableng kabiguan ni Paalam kahit na nagawa nitong pabagsakin si Muhamad Fuad B.M. Redzuan sa harap mismo ng high-ranking sports officials na nanood sa laban subalit idineklara pa rin na winner on points.
“Idol kasi dito ang nakalaban niya. Nakita naman na tinamaan sa third round at bumagsak pero hindi binilangan ng referee. Ano itatawag nila doon, slip eh nakataas ang dalawang kamay nang bumagsak,” sabi ni Alliance of Boxing Associations in the Philippines (ABAP) executive director Ed Picson.
Ang Fil-British na si Marvin John Nobel Tupas ay nakatakda pa na lumaban kay Felix Merlim Nartinez ng Cambodia habang isinusulat ito.