KUALA LUMPUR, Malaysia – Perpektong sinimulan ng mga miyembro ng Alliance of Boxing Associations of the Philippines (ABAP) ang kampanya matapos magtala ng impresibong panalo sina Ian Clark Bautista, Mario Fernandez at Eumir Felix Marcial sa pagsisimula ng boxing competition ng 29th Southeast Asian Games Linggo sa Malaysian International Trade and Exhibition Center (MITEC) dito.
Binalewala ng defending champion na si Bautista ang maiingay na home crowd at matinding kalaban na si Abdul Salam B. Kasim mula sa host Malaysia upang umusad sa semifinal round at siguruhin ang sarili nito at ang bansa ng tansong medalya sa flyweight category (52kg).
Agad na inatake ng 22-anyos mula sa Binalbagan, Negros Occidental sa unang pagtunog pa lamang ng bell sa mga ipinatama nito sa katawan at ulo ni Kasim dahil sa pag-aalala na ang kaharap nito ay mula sa host country pati na rin ang mga sumusuporta ditong manonood.
“Ninenerbiyos po talaga ako kapag nagsisigawan na ang mga tao. Pero mas natatakot po kasi ako na baka maiba ang desisyon ng mga judges kaya pinilit ko po na mapabagsak. Kaya lang po matibay,” sabi ni Bautista, na kinapos sa qualifying para sa 2016 Olympics sa AIBA World qualifier sa Baku, Azerbaijan.
Ikinatuwa nina national coach Pat Gaspi at Elias Recaido ang unang panalo ni Bautista sa 52kg subalit pinaalalahanan nito si Bautista sa kanyang galaw sa loob ng ring.
“Medyo nanggigil sa second round kaya tuloy napapasukan siya. Plano talaga is unahan na namin agad sa first round dahil mahirap na baka makuha sa hometown decision. Pero noong second round ay nakipagpalitan kaya siya naiskoran at dumikit ang kalaban,” sabi ni Recaido sa unanimous decision na panalo ni Bautista.
Ang panalo ni Bautista ay nagsiguro sa anim kataong boxing delegation ng tansong medalya.
Madali naman pinataob ni two-time gold medalist Mario Fernandez ang nakatapat na si Maung Nge ng Myanmar sa preliminary match ng bantamweight division (56kg) sa unang round na stoppage para makaabante sa quarterfinals sa itinala nitong knockout win.
Ang 2014 Asian Games bronze medalist na si Fernandez, na isang southpaw, ay ginamit ang footwork, bilis at lakas sa pagpapatama ng mga matutulis na suntok sa ulo at katawan ni Nge bago nito pinakawalan ang kaliwa sa mukha na nagpahilo dito at kinailangan tingnan ng referee.
Nang tanungin, umiling na lamang si Nge tanda ng pagsuko kontra Bautista sa unang round.
Kinumpleto naman ni middleweight Eumir Felix Marcial ang kampanya ng mga Pilipino boxers matapos din itong umusad sa semifinal round sa unanimous decision na panalo kontra Nguyen Manh Cuong ng Vietnam.
Si Marcial, na mas pinili ang kada dalawang taong multi-sports regional meet kaysa ang unang tsansang lumaban para sa 2020 Tokyo Olympics qualifying sa Germany, ay pinabagsak si Coung sa unang round para sa eight count subalit hindi nito natapos ang trabaho at magkasya na lamg sa 3-0 panalo sa 75kg category.
“Masaya naman po,” sabi ni Marcial, na umaasa sa kanyang unang Olympics sa 2020. “Pinaghandaan ko po talaga ito ng matagal dahil paunti-unti ko po inaasam na makapasok sa Olympics.”