3 pulis sa Kian slay, ikulong!

SINA Police Officer 3 Arnel Oares, PO1 Jeremiah Pereda at PO1 Jerwin Cruz — sila ang tatlong pulis na pumatay kay Kian Lloyd de los Santos, 17, Grade 11 ng Our Lady of Mount Carmel College at residente ng Barangay 160, Libis-Baesa, Caloocan.
Sa Oplan Galugad noong nakaraang Huwebes ng gabi, habang nasa labas malapit sa kanilang bahay, kinapkapan ng tatlong pulis si Kian at sinuntok at binugbog.
Narinig pa ng mga testigo ang pakiusap ng bata sa mga pulis: “Tama na po! tama na po! may test pa ako bukas!”
Merong kuha ng CCTV na kinaladkad si Kian sa lugar kung saan siya napatay.
Ayon sa mga testigo, inabutan ng baril si Kian at sinabing iputok niya ito at saka tumakbo. Tumanggi ang bata pero napilitang tumakbo at binaril ng mga pulis.
Sa “spot report”, tumakbo raw si Kian nang papalapit ang mga pulis, naglabas ng baril, nagpaputok kaya gumanti sila.
May nakita ring 45 caliber na baril sa kanyang kaliwang kamay, apat na cartridges ng bala at dalawang sachet ng shabu.
Ayon pa sa mga pulis, “runner” daw si Kian ni Neneng Escopino, isang drug pusher na nasa watchlist, bagamat wala si Kian sa listahan.
Meron pang nag-presscon kahapon na isang “drug courier” na umamin (pinaamin?) na ka-transaksyon niya si Kian at matagal na raw sa ilegal na droga.
Tinanggal na sa Police Community Precint 17 ang tatlong pulis kasama ang hepe na si Commander Amor Cerillo.
Inilipat sila sa Regional police Holding and Accounting Unit-NCRPO para imbestigahan ng Internal Affairs Services (IAS) at NAPOLCOM. Na-relieve din ang Caloocan police chief na si Senior Supt. Chito Bersaluna para magkaroon ng impartial investigation.
Ayon kay PNP NCRPO chief, Gen. Oscar Albayalde, tatapusin ng IAS ang imbestigasyon sa loob ng isa o dalawang Linggo.
Inatasan naman ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre ang NBI para magsagawa ng “parallel investigation”.
At sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na tiniyak ng Pangulong Duterte na mapaparusahan kung mapapatunayan na nagkamali ang mga pulis dito, pero ang kampanya laban sa droga ay magpapatuloy.
Ang Senado naman, nagtakda ngayong Martes ng imbestigasyon sa pagkamatay ng bata kung saan haharap ang mga opisyal ng pulis Caloocan at iba pang testigo sa pangyayari.
Napakarami ring sumakay sa isyu sa social media, partikular ang oposisyon.
Pinainit pang lalo ang galit ng mga sumusubaybay sa isyung ito.
Sa kabuuan, ang CCTV footage ng baranggay at ang testimonya ng apat na testigo sa pangyayari ang magbibilad ng katotohanan dito. Kahit pa sabihin ng pulisya na “hindi si Kian” ang kinaladkad nila sa “CCTV” o ang pagharap ng testigo ng pulis na runner niya ng droga si Kian.
Marahil kung nakinig lang ang mga pulis sa sinabi niyang may “test pa po ako”, malalaman nilang “maling tao” ang hinuhuli nila.
Maliban na lang kung talagang bulag na ang mga hinayupak at wala nang pipigil sa kanilang pumatay.
Dalawa pang kwestyon ang kailangang sagutin: Paano niya madadala ang caliber 45 pati apat na cartridge kung boxer shorts ang suot ng bata? Paanong napunta sa kaliwang kamay ni Kian ang ipinutok niyang baril gayong hindi naman ito kaliwete?
Dahil dito, mas kapani-paniwala sa akin ang sinasabi ng mga testigo na pinatakbo ito at saka binaril.q
Para sa komento o reaksyon,mag-text sa 09999858606 o mag-email sa inquirerbandera2016@gmail.com

Read more...