Shooting skills ang kailangan

KUNG Blackwater ang nakalaban ng Korea sa Lebanon imbes na Gilas Pilipinas, baka nasilat natin sila at nandoon pa tayo in the thick of the fight para sa unang puwesto.

Kasi pinaulanan tayo ng mga Koreano ng three-point shots at tuluyan natambakan tayo.

Ang sabi nga ni kasamang Noel Zarate sa aming radio broadcast ng laro sa pagitan ng Blackwater at NLEX noong Biyernes, mabuti pa raw sana at hindi na naayos ang problema sa graphics sa unang yugto ng PH-Korea game dahil nalamangan natin ang kalaban, 73-2.

Nagkamali kasi ng pagpindot, e. Pero dagli namang naayos at talaga namang naidikta ng mga Koreano ang laro.

Ang sabi pa ng isa naming kasama sa PBA radio panel ay dapat daw na pinisikal natin ang mga Koreano sa umpisa pa lang at tiningnan kung mamamalahibo sila. Kasi namihasa ang mga kalaban sa malinis nating depensa at hayun pumasok ang kanilang mga tira.

Tuloy ay naalala ng mga oldtimers ang panalo ng Pilipinas laban sa Korea noong ‘70s kung saan pinahirapan ni Dave Regullano ang legendary na si Shin Dong Pa at sinuksukan ng paa sa pagitan tuwing titira. Hindi tuloy maidikit ni Shin Dong Pa ang mga paa niya sa jump shot. Hayun at panay ang mintis.

Nanalo tayo.

Iyon ang tinatawag na scouting. At noon ay iilan lang ang miyembro ng coaching staff. Hindi tulad ngayon na sangkatutak.

Kahit na nga si NLEX coach Joseller “Yeng” Guiao ay nagsabing parang Korea ang kanilang nakatagpo dahil sa 17 three-point shots ang binira ng Elite sa pangunguna ni Roi Sumang laban sa kanila.

Well, kung aktibo pa si Allan Caidic, marahil sasabihin niyang “17 three-point shots para sa isang team? E akin lang ‘yan sa isang game!”

‘Yun ang record na naitala ni Caidic sa PBA na hanggang ngayon ay hindi pa nabe-break.

Oo at nalampasan na ni Jimmy Alapag ang kabuuang three-point shots na nagawa ni Caidic sa kanyang PBA career, pero wala pang nakakabura sa 17 three-point shots sa isang laro. E matatagal ko na ngang sinasabi na mali ang pinagpapalaki natin sa ating mga batang basketball players.

Mali ang itinuturo sa kanila sa mga basketball camps na dribbling skills, rebounding skills, team play at kung anu-ano pa.

Ang dapat talagang ituro ay shooting skills lalo na ang buhat sa three-point area.

Naalala ko tuloy ang nasabi sa akin ng isang kaibigan kong coach na mahirap talagang talunin ang mga Koreano sa shooting. Kasi sa practice ay tig-500 shots buhat sa lahat ng anggulo ng court ang kailangan nilang itira. Pumasok man o hindi.

Muscle memory iyon.

Gaano katagal sa practice ang pagtira ng 500 shots?

Baka mas matagal pa iyon kesa sa normal na ensayo ng isang koponan.Pagkatapos ay mamamangha tayo

sa galing nila at sasabihing, “Bakit hindi natin magawa iyon?”

Dalawang oras lang ang practice ng team. Dalawang buwan lang binubuo ang national team.

Paano natin aasahan na tatalunin ang isang kalabang matagal nang binuo at mahaba ang ginugol na oras sa ensayo?
Milagro iyon!

Read more...