Pagsabog sa Two Serendra, isisi sa Ayala

TINUPAD ni Director Nonnatus Caesar Rojas ng National Bureau of Investigation (NBI) na magiging patas ang imbestigasyon ng kanyang ahensiya sa pagkakapaslang ng isang mangingisdang Taiwanese ng ating Coast Guard.

Ang pangako ay binigay sa inyong lingkod ni Rojas nang kami’y nagkuwentuhan sa telepono tungkol sa imbestigasyon.

Kahit na raw kababayan natin ang mga Coast Guard ay hindi mangingiming ang NBI na sampahan sila ng reklamo kapag napatunayan sa imbestigasyon na sila’y nagkamali.

Hinahanda na ng NBI ang mga kasong kriminal laban sa ilang Coast Guard personnel na sangkot sa pamamaslang.

Hindi lang malaman kung ang kaso ay murder dahil gumamit ang mga Coast Guard ng “superior strength” sa pamamagitan ng paggamit ng baril, o homicide na mas magaang na kaso.

Pinagbabaril ng mga Coast Guard, lulan ng barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, ang isang Taiwanese fishing boat sa karagatan ng Balintang malapit sa Balintang Island.

Walang laban ang mga lulan ng Taiwanese fishing boat dahil wala silang baril.

Nagtawanan pa nga raw ang mga Coast Guard habang binabaril ang barko ng mga Taiwanese.

Napag-alaman sa imbestigasyon na walang balak banggain ng Taiwanese fishing boat ang barko ng Coast Guard na pinalalabas ng mga nambaril.

Ang pamamaslang ng Taiwanese fisherman na si Hung Shih-chen ang naging dahilan ng alitan sa pagitan ng Pilipinas at Taiwan.

Humingi na ng dispensa si Pangulong Noy dahil sa insidente pero hindi nakontento ang mga Taiwanese dahil sa sinabi ng Pangulo na ang pamamaslang ay “hindi sinasadya” at “nakakalungkot.”

Oo nga naman. Paanong hindi sinasadya ang pagpatay kay Hung samantalang binabaril ng Coast Guard ang barko niya?

Paanong “nakalunlungkot” ang pamamaslang kay Hung samantalang tumatawa pa raw ang mga Coast Guard nang binabaril nila ang Taiwanese fishing boat.

Kung tayo kaya ang nasa kalagayan ng mga Taiwanese, ano ang magiging reaksiyon natin kapag ang ating kababayan ay pinatay ng walang laban ng mga dayuhan?
qqq

Ang pagiging patas ng NBI sa kanilang imbestigasyon ay maaaring magiging daan sa paghupa ng galit ng mga Taiwanese sa insidente.

Bukod sa parusahan ang mga Coast Guard na sangkot, dapat ay bayaran ang pamilya ng biktima at humingi ng sincere apology ang bansa sa Taiwan.
qqq

Nakapagtataka na hanggang ngayon ay hindi pa alam ng mga imbestigador kung sino ang dapat sisihin sa pagsabog sa Two Serendra sa Taguig na kumitil ng tatlong buhay at nagkasugat ng ilan pa.

Sabi ni Interior Secretary Mar Roxas, hindi pa alam ng inter-agency committee na inatasan na mag-imbestiga kung sino ang dapat sisihin sa pagsabog sa isang unit ng Two Serendra.

“This is a very sensitive topic. That’s why we needed the help of the experts from the UP (University of the Philippines) and DOST (Department of Science and Technology),” sagot ni Roxas sa mga reporters na nagtanong kung sino ang dapat sisihin.

Susmaryosep!

Ganoon na ba kabobo ang ating mga imbestigador na hindi nila alam kung sino ang pagtutuunan ng sisi?

Kung ang pagsabog ay hindi gawain ng mga terorista na sinasabi ng mga imbestigador, ang dapat sisihin ay ang Ayala Land Inc..
Ang Ayala Land Inc., ay siyang nagmamay-ari at developer ng Two Serendra.

Ang kapabayaan ng Ayala Land Inc. ang naging dahilan ng pagsabog.

Kung hindi pa supporter ang Ayala Land Inc., ng Aquino administration ay baka matagal nang nagkaroon ng linaw ang imbestigasyon.

Read more...