Command Responsibility dapat ipatupad sa sunod-sunod na sablay ng PCO

LINGGO-linggo ay may nangyayaring kapalpakan sa Presidential Communications Office at sa mga ahensiyang nasa ilalim nito at kung susundin ang command responsibility, sino ba ang dapat managot sa wala na atang katapusang sablay ng PCO at ng mga departamentong hawak nito?

Nitong Biyernes, isa na namang kontrobersiya ang kinasangkutan ng PCO, matapos namang mai-tweet sa official Twitter account ng Presidential Commmunications Office ang salitang “fafda” dahilan para ito mag-trending sa social media.

Idinaan na lang sa biro at pang-aasar ng mga netizens ang nasabing panibagong “wow mali” ng PCO.

Bigla tuloy naikumpara ang pangyayari kay US President Donald Trump matapos namang mag-tweet ng “covfefe” na nag-viral din.

Dahil sa nangyayaring sunod-sunod na sablay ng PCO at ng mga ahensiyang nasa ilalim nito, nagbabala si Communications Secretary Martin Andanar na may mananagot sakaling maulit pa ito.

Nang pumutok ang kontrobersiya sa kaso ng Philippine News Agency noong isang linggo, nagdahilan pa si Andanar na nangangahulugan lamang ito na matapos mapabayaan ang PNA, binabasa na ngayon ang news outlet ng PCO.

Medyo may sablay din ang katwiran ni Andanar, imbes na akuin ang responsibilidad bilang pinuno ng PNA, nagpalusot pa ito.

Usap-usapan tuloy ang kanyang mga paandar sa social media.

Kasi naman, kung hindi alam ni Andanar ang trabaho ng PNA, isa itong news service ng gobyerno kung saan binabayaran ang serbisyo nito kahit ng malalaking miyembro ng media, partikular ng mga telebisyon at print, kayat matagal nang nasa sirkulasyon ang PNA.

Hindi naman masamang akuin ni Andanar ang responsibilidad dahil
nasa direktang superbisyon naman niya ito. Kung hindi naman, wag na lang magpalusot na may nagbabasa na kasi ng PNA para lamang mapagtakpan kung ano man ang naging pagkakamali.

Sa kaso naman ng viral na tweet ng PCO, baka naman may mali sa sistemang ipinapatupad ng ahensiya lalu na kung linggo-linggo nang nangyayari ang kapalpakan.

Sa lahat ng pagkakataon, ang pinuno ng isang ahensiya ang siyang sumasalamin sa isang departmento.

Nagiging maayos ang operasyon ng isang ahensiya kung magaling ang nagpapatakbo nito.

Hindi ba’t mas may katwiran ang ganitong dahilan, imbes na ang palusot na may nagbabasa na kasi ng PNA kayat napapansin na ito?

Iba ang galing at iba rin kung kaya ka nakaupo ay dahil may backer kang napakalakas.

Read more...