Pelikula nina Bela at JC nangunguna sa 2017 PPP; Salvage, Manananggal, Bar Boys humahataw din sa takilya

BELA PADILLA AT JC SANTOS

MATAMLAY ang unang araw ng Pista ng Pelikulang Pilipino dahil kakaunti lang ang mga taong pumapasok sa mga sinehang pinaglalabasan ng 12 official entry.

Ang nakita naming medyo maraming nanonood ay sa “100 Tula Para Kay Stella” nina JC Santos at Bela Padilla mula sa Viva Films, sinundan ng “Bar Boys”, “Salvage”, “Ang Manananggal sa Unit 23B”, “AWOL”, “Hamog”, “Triptiko” at “Birdshot.”

Nakapanghihinayang kasi kung hindi man lang umabot ng isang linggo ang ibang pelikulang kasama sa nasabing film festival na inorganisa ng Film Development Council of the Philippines sa pangunguna ni Chairwoman Liza Dino dahil naniniwala kaming magaganda ang lahat ng mga kalahok.

Kahapon, may nakapagsabi sa amin na pumapalo na rin ang iba pang entries sa PPP na isang magandang senyales na epektibo pa rin ang “word of mouth” para mas maraming makapanood sa mga kasaling pelikula.

At dahil nangunguna nga sa box-office ang “100 Tula Para Kay Stella” ay nagpasalamat na ang Viva executive na si June Rufino sa lahat ng nagsulat na magandang rebyu sa pelikula nina Bela at JC at finally, nakatikim na rin ng box-office hit ang aktres dahil karamihan sa pelikula niya ay hindi gaanong maganda ang resulta sa takilya.

Anyway, kapag nagkataon ay baka matulad sa “Kita Kita” ang “100 Tula Para Kay Stella” dahil sa tulong ng “word of mouth.”

Panoorin din sana ng mga kababayan natin ang “Manananggal sa Unit 23B” dahil baka hindi na maulit ni Ryza Cenon ang mga ginawa niya sa movie. Inamin ng dalaga na talagang nahirapan siya sa mga eksenang ipinagawa sa kanya ni Direk Prime Cruz na tatahi-tahimik pero nasa loob pala ang kulo.

He-hehehe! Ang pelikula ay mula sa IdeaFirst Company.

Sa mahihilig sa action, sana suportahan n’yo naman ang “AWOL” mula sa direksyon ni Enzo Williams handog ng Skylight at Cinebro Films starring Gerald Anderson dahil tiyak na hindi kayo magsisisi.

Sana’y silipin din ng mga Pinoy moviegoers ang “Birdshot” nina John Arcilla, Arnold Reyes, Ku Aquino at baguhang si Mary Joy Apostol. Napakaganda ng cinematography ng pelikula at mahusay ang batang direktor na si Mikhail Red.

Hahabulin namin sa mga sinehan ang “Hamog”, “Salvage”, “Patay na si Hesus”, “Triptiko”, “Bar Boys”, “Paglipay”, “Star na si Van Damme Stallone” at “Pauwi Na.” Hanggang Aug. 22 pa tatagal ang PPP.

Read more...