26 sangkot sa droga patay sa Maynila

PATAY ang 26 na umano’y sangkot sa droga matapos ng isinagawang “one-time, big-time” ng Manila Police District’s (MPD) kahapon, ayon sa ulat ng dzIQ Radyo Inquirer 990.
Unang iniulat ng MPD na 18 pinaghihinalaang sangkot sa droga ang napatay, bagamat batay sa imbestigasyon mas marami ang napatay matapos umanong manlaban sa operasyon ng mga pulis.
“Initially meron po tayong 18 (drug suspects killed) pero meron pa pong iniimbestigahan ang Manila Police District homicide section kaya ico-coconfirm pa rin natin. Siguro by the end of the day malalaman po natin kung ilan na po yung total,” sabi ni MPD spokesperson Supt. Erwin Margarejo.
Nang tinanong kung nanlaban ba ang mga suspek, sumagot si  Margarejo ng “meron po kaming sinusunod na rules of engagement”.
“Ito po ay resulta ng one-time big time operation. Hindi porke po marami pong na-neutralize ngayong araw ay nagbalikan na po yang mga illegal activities lalo na sa illegal drugs. Alam naman po natin simula nung nakaraang taon ay patuloy po ang programang pinapatupad ng MPD,” dagdag ni Margarejo.
Idinagdag ni Margarejo na sa 11 police station sa Maynila, ang station 1 at 7 lamang ang “yield good accomplishment last night.”
Sinabi pa ni Margarejo na wala ring nasaktan na pulis sa isinagawang operasyon.
“Makakaasa po kayo na ito ay magpapatuloy. Kaya ako po ay nananawagan sa ating mga kababayan dito po sa lungsod ng Maynila na involved po sa mga illegal activities, ngayon pa lang po tigilan nyo na po or iwasan n’yo na po ma-involve sa mga illegal activities dahil it’s either ma-apprehend po kayo o kung kayo po ay manlalaban sa ating kapulisan, wala pong last resort ang mga pulis kundi i-neutralize,” ayon pa kay Margarejo.
Iginiit ni Margarejo na walang nadamay na inosente sa operasyon.
“Makakaasa po kayo na lahat ng operations ay pre-meditated o well-planned, at makakaasa po kayo na wala pong mistaken identity na magaganap sa ano mang operasyon sa MPD,” dagdag ni Margarejo.
“Hindi po self-serving and validation ng ating kapulisan. Naka-rely din po ang pag-asa ng kapulisan sa kooperasyon ng ating community,” ayon pa kay Margarejo.

Read more...