Mga Laro Ngayon
(Perpetual Help Gym)
2 p.m. Perpetual Help vs San Beda (jrs)
4 p.m. Perpetual Help vs San Beda (srs)
Team Standings: Lyceum (7-0); San Beda (6-1); Letran (5-3); JRU (3-3); San Sebastian (3-4); EAC (3-4); Perpetual (3-4); Arellano (2-5); St. Benilde (2-5); Mapua (1-6)
PILIT na babawi ang Perpetual Help sa tinamo nitong kabiguan noong nakaraang taon sa Final Four sa defending champion San Beda sa pagtanggap ng Altas sa kanilang unibersidad sa Red Lions ngayon sa 93rd NCAA basketball tournament sa Perpetual Help Gym sa Las Piñas City.
Isang panalo na lamang ang kailangan ng Altas noong nakaraang taon para tumuntong sa unang pagkakataon sa kampeonato matapos na mapanalunan ang kanilang unang laro sa Final Four, 87-83, subalit dinismaya sila ng Lions sa sumunod na laban, 78-63, upang okupahan ang silya sa Finals at pati na rin ang pag-uwi ng korona.
Patuloy na nananatili ang sakit ng nasabing kabiguan sa Perpetual Help.
“Napakasakit noon at sana ay makaganti kami sa kanila (San Beda) ngayon,” sabi ni Perpetual Help coach Jimwell Gican.
Sasandigan ng mga Altas ang itinala nitong 68-59 panalo kontra Season 92 runner-up Arellano Chiefs noong Martes upang mapaganda ang kartada nito na tatlong panalo at apat na talo.
Itinala ng Nigerian na si Prince Eze ang career-high 23 puntos kasama ang 21 rebounds at limang blocks na susundan nito ngayon sa ganap na alas-4 ng hapon kontra San Beda na makakapag-akyat sa Altas tungo sa magic four.
Gayunman, inaasahang masasabak ito sa matinding hamon kontra San Beda kung saan ang Lions ay bitbit ang limang sunod na panalo na nagtulak dito sa kasalukuyang ikalawang puwesto na may 6-1 karta sa likod ng nagsosolo sa liderato at wala pang talo na Lyceum of the Philippines University (7-0).