PH sepak takraw team sumungkit ng silver medal

IBINIGAY ng delegasyon ng Sepak Takraw ang unang medalya ng Pilipinas sa ginaganap na 29th Southeast Asian Games Miyerkules sa pagsungkit ng medalyang pilak sa Men’s Chinlone Team Event 3 (Linking) sa Indoor Stadium Titiwangas sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Una munang umiskor ang Pilipinas ng kabuuang 271 puntos sa round robin upang magkasya sa ikatlong puwesto sa likuran ng Malaysia na may 391 puntos at Brunei na may 314 para makatuntong sa final round.

Kinumpleto ng mga Pinoy ang routine nito sa knockout finals sa pagtatala ng kabuuang 542 puntos habang nagtala ang host Malaysia ng 782. Hindi natapos ng Brunei ang routine upang iuwi ang tanso.

Ang Team Philippines ay binubuo nina John-John Bobier, Rhemwil Catana, Emmanuel Escote, Ronsited Gabayeron, Joeart Jumawan, John Carlo Lee, John Jeffrey Morcillos, Regie Pabriga at Alvin Pangan.

PH football teams wagi agad sa SEA Games
INSPIRADONG sinimulan ng Philippine men’s at women’s Under-22 team ang kampanya sa 29th SEA Games matapos kapwa magtala ng importanteng panalo Martes ng gabi sa MP Selayang Stadium sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Binigo ng PH men’s U22 squad ang nakatapat na Cambodia, 2-0, upang makalasap muli ng panalo ang Pilipinas sa kada dalawang taong SEA Games sapul noong 2011 at una rin nito kontra Cambodians simula noong 2005.

Sinimulan ni Raymart Cubon ang pag-iskor para sa mga Pinoy sa ika-50th minuto matapos isagawa ang isang header mula sa pasa ni Jarvey Gayoso sa corner.

Sinundan ito ni Kouichi Belgira upang doblehin ang abante sa huling bahagi ng laro mula sa naisagawa nito na free kick patungo sa bottom corner ng goal para ibigay kay coach Marlon Maro ang kumpletong tatlong puntos sa kinabilangang grupo.

“We prepared for this game,” sabi ni Maro. “I’m just happy we were able to start our journey in the tournament on a high. We really wanted to win this game”

“We’re more than grateful,” sabi ni Team captain Julian Clarino matapos ang panalo ng koponan. “It’s not just for the team, it’s for the country and that speaks a lot.”

Sunod na makakasagupa ng Philippine U22 men’s team ang Indonesia sa Shah Alam Stadium ngayong alas-8:45 ng gabi.

Hindi rin nagpaiwan ang Philippine women’s national team na sinimulan din ang sarili nitong kampanya sa torneo sa pagtala ng 2-1 panalo kontra host Malaysia Martes din ng gabi sa UiTM Stadium sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Binasag ni team captain Patrice Impelido ang unang goal sa naisagawa nitong header ilang segundo bago tumunog ang half-time.

Gayunman, agad na gumanti ang Malaysia sa pagtabla ng iskor sa ika-52nd minuto mula kay Dadree Rofinus.

Subalit hindi nagpatalo si Camille Rodriguez na itinulak ang Pilipinas muli sa abante sa ika-74th minuto mula lamang sa labas ng box.

Nagpilit pa ang Malaysia na itabla ang laro subalit nagpakatatag ang koponan ni coach Marnelli Dimzon upang itala ang una nitong panalo sa torneo.

“It was good to pick up the three points against a very difficult host,” sabi ni Dimzon. “The team did well tonight.”
Sunod na makakasagupa ng Philippine women’s team ang Vietnam ngayon sa UM Arena sa ganap na alas-4 ng hapon.

Read more...