UV Express dapat ding pansinin

MASYADONG okupado ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Uber at Grab.

Baka kaya hindi nila napapansin ang iba pang public transportation group gaya ng UV Express.

Bago ang UV Express ay nariyan ang FX taxi— parang pampasaherong jeepney ang style pero aircon.

Inalis ang FX taxi dahil dumadagdag sila sa pagbigat ng trapik. Hinto nang hinto kung saan gusto ng driver para magbaba at magsakay ng pasahero.

Natatandaan ko, panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo noon nang i-introduce ang UV Express.

Express na biyahe ang nais na gawin noon sa UV Express.

Hindi magsasakay at magbaba ng pasahero gaya ng mga jeepney, kundi sa magkabilang terminal lang nila.

Kung ang kanilang prangkisa ay Montalban-Cubao, ibig sabihin sa terminal nila sa Montalban (Rizal) at sa Cubao (Quezon City) lang sila magbababa ng pasahero.

Pero hindi na ganito ang nangyayari ngayon.

Nakikipagkompitensya ang mga UV Express sa mga pampasaherong jeepney. Baba-sakay ang kanilang mga pasahero at kung saan-saan.

Hindi mo rin naman masasabi na kumportable ang mga pasahero dahil siksik, liglig ang mga UV Express lalo na ‘yung mga van.

At gaya ng mga jeepney, marami na rin sa kanila ang nagka-cutting trip.

Sa SM North Edsa halimbawa, may mga UV na hindi na umaabot sa Plaza ng San Mateo ang biyahe. Ibinababa na nila ang mga sakay sa Banaba pa lamang.

May mga UV naman na biyaheng Montalban-Sta Lucia batay sa marking sa kanilang sasakyan, hindi na rin binubuo ang ruta.

Marami sa kanila ay hanggang Guitnang Bayan na lamang sa San Mateo. Hindi na tumutuloy sa Montalban kaya may mga pasahero na nagdadalawang sakay pa.

Nakakadagdag din sila sa trapik dahil nagu-U-turn sila sa masikip na Gen. Luna st., at pagdating sa kabila ay tumatabi para maghintay ng mga pasahero. Sa may Prima Blend Bakeshop at sa isang carwash.

Baka sakaling mapansin na rin sila ng LTFRB kung ayaw man silang pansinin ng mga traffic enforcer.

 

***

Sino kaya ang gagaya sa ginawa ni Mandaluyong City Rep. Queenie Gonzales, dating reporter ng Channel 5.

Swerte naman ng mga babaeng estudyante sa mga pampublikong paaralan niya kasi may libre silang anti-cervical cancer immunization. Mahal kaya nito.

Nakipag-ugnayan si Gonzales, may bahay ni dating House majority leader Neptali Gonzales, sa Department of Health para sa pagpapatupad ng HPV prevention and control program.

Tinatayang 8,000 hanggang 9,000 estudyante ang target na mabigyan ng bakuna.

Ang cervical cancer ang ikalawang sanhi ng pagkamatay ng mga babae. Taon-taon ay may 6,000 bagong kaso ng cervical cancer ang naitatala.

Una sa mga nabakunahan ang 180 Grade 4 student ng Addition Hills Integrated School.

Susunod ang iba pang Grade 4, 5, 6, at 7 na edad 9-13 sa iba pang paaralan.

Read more...