TAGUMPAY ang benefit show na “Awit Sa Marawi” noong Linggo na ginanap sa AFP Theater sa Camp Emilio Aguinaldo na ipinrodyus ng kilalang Lord of Scents na si Joel Cruz.
Nagbukas ang programa sa pamamagitan ng production number ng mga nurse mula sa Baguio General Hospital, sumayaw sila ng Kulintang, Pandanggo sa Ilaw at Singkil sa saliw ng “Piliin Mo Ang Pilipinas.”
Hagalpakan naman ang audience, kabilang na ang mga sundalo nang pumagitna na sa stage ang stand-up comedienne na si Boobsie Wonderland na bentang-benta ang mga green joke na maski anong pigil daw sa kanya ni Joel Cruz dahil nga dapat wholesome ay hindi pa rin naiwasan ng komedyana na hindi magsalita ng kung anu-ano.
Panalo naman sa lahat ang Sampaguita medley na kinanta ng babaeng may malaking boobs.
Napapangiwi naman kami sa mga boses nina Haydee (Isang Lahi/And I’m Telling You), Gem (Simply The Best/Private Dancer), at Virna (First Time) dahil birit kung birit at parang galit na galit sila sa stage habang kumakanta.
Nag-perform din ang magaling na singer at dating aktres na si Malu Barry, muli niyang kinanta ang “A Song For You” na paborito rin ng lahat noong may gig pa siya sa Spindle Morato.
Unang beses naman naming marinig kumanta ang tinaguriang Charity Diva na si Token Lizares, mataas din at buo ang boses nito pero hindi kami nabingi habang kinakanta niya ang “Love Story” at “I Who Have Nothing” dahil napakaswabe ng kanyang version. Nagtayuan at nagpalakpakan pa ang ang audience pagkatapos niyang kumanta.
Mahusay din ang pagkakaawit ni Jona sa awiting “Hero” at “Maghihintay Ako.”
May Arnel Pineda rin pala ang AFP, si SSG Federico Andagan, Jr. dahil puwede na siyang maging miyembro ng grupong The Journey. Sisiw lang sa kanya ang mga awiting “Faithfully” at “Don’t Stop Believin.” Sabi nga namin, may laban siya sa Tawang Ng Tanghalan?
Ang sarap namang pakinggan ng “What A Wonderful World” ni Melchor “Neil” Sorillano at ni Capt. Maxilo, Jr., na umawit ng “What’s Forever For” dahil napaka-cool ng kanilang mga boses.
Hindi pa namin nakilala si Kiel Alo pero may karakter ang binatang singer, ang ganda ng kulot niyang buhok. Nagustuhan din namin ang bersyon niya ng “Warrior Is A Child.”
Kasama rin sa mga nag-perform ang grupong Angelos at maganda ang version nila ng “Impossible Dream”, si JV Decena na kumanta ng “Imagine” at ang 5th Gen na binigyan ng bagong tunog ang “Anak.”
Umaasa kami na sana’y masunsan pa ang benefit show na ito ni Joel Cruz ng Aficionado para mas marami pa silang matulungan, hindi lang ang ating mga sundalo kundi pati na rin ang mga kababayan natin sa Marawi na naapektuhan ng giyera.