BUMANGON agad ang Gilas Pilipinas sa pagkatalo sa huling laro nang manaig sila sa matatangkad pero mas batang Lithuanian Under-20 national team, 83-75, kahapon.
May 14 puntos si Jason Castro habang 12 puntos ang ibinigay ni Marcus Douthit ngunit naroroon ang suporta ng ibang kasamahan tulad nina Gabe Norwood, Gary David, Jimmy Alapag, Junmar Fajardo at Larry Fonacier na nagsanib sa 38 puntos.
Ang panalo ay nangyari matapos dumapa ang Gilas sa LSU-Baltai, 86-89, para isulong sa 3-1 ang karta sa anim na tune-up games laban sa mga Lithuanian teams.
Ito na ang ikalawa at huling linggo ng Gilas sa nasabing bansa bilang bahagi ng kanilang paghahanda para sa 27th FIBA Asia Men’s Championship sa Maynila mula Agosto 1 hanggang 11.
“We beat the tall and tough U-20 national team,” wika ni national coach Chot Reyes sa kanyang Twitter account. Masaya man sa panalo, aminado siyang marami pang dapat gawin para mas gumanda ang laro ng koponan lalo na sa FIBA Asia Championship.
“Still a lot of turnovers, and still shot poorly from the three, but saw a lot of positives,” dagdag ni Reyes.
Ang mga nakalabang U-20 team ay ipinanganak sa taong 1993 at tatlo rito ay mga manlalaro ngayon sa US NCAA Division I.
Muling magkikita ang dalawang koponan ngayon bago tapusin ng Gilas ang kanilang tune-up games sa pagharap uli sa LSU-Baltai.