Mga Laro sa Martes
(Filoil Flying V Centre)
12 p.m. Arellano vs Perpetual
2 p.m. JRU vs EAC
4 p.m. Letran vs San Sebastian
Team Standings: Lyceum (7-0); San Beda (6-1); Letran (4-3); San Sebastian (3-3); EAC
(3-3); JRU (2-3); Perpetual Help (2-4); Arellano (2-4); St. Benilde (2-5); Mapua (1-6)
NAGPAMALAS ang Cameroonian na si Donald Tankoua ng magandang laro sa unang pagsalang bilang starter ngayong season para sa San Beda Red Lions na binigo Mapua Cardinals, 66-55, kahapon sa NCAA Season 93 men’s basketball tournament sa Filoil Flying V Centre sa San Juan City.
Ang 6-foot-6 na si Tankoua, na back-up lamang ni Season 92 Finals Most Valuable Player Arnaud Noah sa unang anim na laro, ay nakabalik na mula sa ACL (anterior cruciate ligament) injury na natamo nito sa huling laro sa eliminasyon noong isang taon. Siya ay nagtala ng mga season-high 11 puntos at 16 rebounds para sa Red Lions.
Ang tulong ni Tankoua ang kinailangan ng Red Lions upang maiposte ang kanilang ikaanim na panalo kontra sa isang pagkatalo para manatili sa likod ng hindi pa natatalong Lyceum Pirates.
“He brings the most out of his opportunities and we hope to slowly give him more minutes as the season progresses,” sabi ni San Beda coach Boyet Fernandez patungkol kay Tankoua.
Mas naging bentahe ito sa San Beda para biguin ang Mapua na hindi nakasama ang inaasahan nitong si Andoy Estrella na kamakailan ay nagtamo ng MCL (medial collateral ligament) injury gayundin si Leo Gabo na ikalawa nitong best guard na nagtamo naman ng ankle injury sa praktis ng koponan bago ang laro.
Hindi nakapaglaro para sa Mapua ang back-to-back season MVP na si Allwell Oraeme ng Nigeria sa hindi malaman na dahilan at Darrell Menina na lumipat sa National University bago pa magsimula ang torneo.
Dahil sa pagkawala nina Estrella at Gabo ay napag-iwanan ang Mapua sa 6-23 iskor na unang yugto. Mas lalo itong nabaon sa ikatlong yugto matapos na maghabol ang Cardinals sa 24-49 kung saan itinala ng Red Lions ang pinakamalaki nitong abante sa laban.
Tanging si Christian Bunag, na inako ang responsibilidad sa pagkawala ni Oraeme, ang bumitbit sa Mapua sa itinala nito na 10 sa kanyang career-high 20 puntos sa ikaapat na yugto. Nagtala rin ang 6-foot-7 na si Bunag ng 18 rebounds, isa rin nitong career-high, at apat na blocks para sa Mapua na nahulog sa 1-5 karta.
“We played bad in the fourth quarter, we will have a hard time winning if we play the way we played in the fourth quarter in this game,” sabi ni Fernandez.
Sa iba pang seniors game kahapon, muling nasolo ng Letran Knights ang ikatlong puwesto matapos maungusan ang University of Perpetual Help Altas, 63-61, habang dinurog ng San Sebastian College Stags ang College of St. Benilde Blazers, 101-71.