Lyceum Pirates itataya ang winning streak vs EAC Generals


Mga Laro Ngayon (EAC Gym)
2 p.m. EAC vs Lyceum (jrs)
4 p.m. EAC vs Lyceum (srs)
Team Standings: Lyceum (6-0); San Beda (5-1); EAC (3-2); Letran (3-3); Perpetual Help (2-3); JRU (2-3); San Sebastian (2-3); Arellano (2-4); St. Benilde (2-4); Mapua (1-5)

MASUSUBOK ang katatagan ng Lyceum of the Philippines (LPU) Pirates sa pagdayo sa homecourt ng Emilio Aguinaldo College (EAC) Generals sa tampok na laro ngayon ng NCAA Season 93 men’s basketball sa EAC Gym sa Taft Avenue, Maynila.

Una munang magsasagupa ganap na alas-2 ng hapon ang EAC Brigadiers kontra sa LPU Baby Pirates bago ang tampok na salpukan sa pagitan ng Generals, na itinala ang ikatlong sunod nitong panalo sa huling laban, kontra Pirates na asam itala ang pinakamahaba nitong pagwawagi sa kasaysayan nito sa torneo.

Itinala ng Pirates ang ikaanim nitong sunod na panalo sa pagpapalasap ng kabiguan sa University of Perpetual Help Altas, 76-58, Biyernes at tangka ang ikapitong sunod na pagwawagi kontra Generals sa pagtungo ng liga sa ikaapat nito na playdate bilang parte ng NCAA on Tour.

Inuwi ng EAC ang ikatlong sunod na panalo matapos isama sa biktima nito ang Season 92 runner-up Arellano University, 85-79, noong Martes upang masolo ang ikatlong puwesto sa likod lamang ng nagtatanggol na kampeon at nasa No. 2 na San Beda College Red Lions na bitbit ang 5-1 panalo-talong karta.

Kaya naman optimistiko si EAC coach Ariel Sison na may tsansang manalo ang kanyang koponan kontra Lyceum.

“We want to be the first team to beat LPU,” sabi ni Sison na asam malampasan ang tinapos ng koponan na 6-12 karta noong nakaraang taon sapul na hawakan ang Generals.

Hindi naman nito makakasama si Season 92 NCAA First Mythical Team member Hamadou Laminou sa susunod na ilang laro matapos magtamo ng knee injury.

Ang 6-foot-9 Cameroonian ay nagtamo ng injury sa kaliwang tuhod sa unang yugto ng kanilang huling laban. Ang injury ay hiwalay pa sa natamo nito na torn MCL (medial collateral ligament) injury bago magsimula ang liga. Si Laminou is kasalukuyan na isinasailalim sa MRI.

Inaasahan na sa pagkawala ni Laminou ang kapalit nito na si Sydney Onwubere, na nasa ikalima at huling taon nito sa liga, para muling punuin ang responsibilidad tulad sa huli nitong laro kung saan nagtala ito ng 17 puntos tampok ang apat na triples, 14 rebounds, tatlong assist, tatlong blocks at isang steal.

Aminado din si Sison na isang malaking problema na kailangan din resolbahin ng Generals ay ang kinatatakutan na full court press ng Pirates tampok ang kambal na Marcelino na sina Jaycee at Jayvee.
“We’ll have to prepare and find a way to break it,” sabi ni Sison.

Dagdag din na problema sa Generals si CJ Perez, na itinatala ang league-best 19.2 puntos kada laro dagdag pa ang 5.3 rebounds, 3.3 assists at 2.0  steal na league second best.

Read more...