HINDI na bago ang mga balitang sinasaktan ng mga anak ng kanilang employer ang ating mga OFW.
Kahit noon pa man, nakatatanggap na ang Bantay OCW ng mga reklamo hinggil sa naturang mga pang-aabuso ng mga batang alaga.
Tulad na lamang sa Saudi Arabia, isinulat pa noon ng OFW na sinusuntok siya at tinatadyakan ng 8-anyos na batang lalaki.
Palibhasa’y malaking bulas ang bata, at maliit lamang ang pangangatawan ng Pinay kung kayat panay pasa ang kaniyang katawan.
Sa ilang bahagi naman ng Asya, sumbong ng OFW na kinakagat siya ng alaga niya. Sa tuwing papaliguan niya ang bata, palagi siyang kinakagat nito. Kaya naman ang kaawa-awang Pinay puro marka ng ngipin ang kanyang buong braso.
May isang 6-anyos na batang lalaki naman ang hatid-sundo ng yaya nito sa kaniyang eskwelahan. Sa tuwing makikita niya ang OFW, palagi niya itong binoboksing.
Gayong ginagawa lang nitong pabiro ngunit sa katagalan, pabigat nang pabigat ang mga kamao ng bata kung kaya’t halos magkalasog-lasog ‘anya ang kaniyang katawan.
Sinubukan niyang magsumbong sa magulang nito, ngunit sinasabihan lang siya na natutuwa lang sa kaniya ang anak at nagbibiro lamang.
Pahabol pa ng employer, dapat masanay na sa kaniyang anak ang mga tagapag-alaga nito.
May OFW naman tayong hindi nga sinasaktan ng alaga, ngunit ibang klase naman ang pang-aabusong ginagawa sa kaniya.
Sumbong nang sumbong ng kung anu-anong kasinungalingan ang kaniyang alagang batang babae na 6-anyos lamang.
Mapaggawa ng kuwento ang bata kung kaya’t lagi siyang napapagalitan ng kaniyang amo.
Mga sumbong tulad ng matagal ‘anya itong natutulog sa maghapon at hindi nagtrabaho; na ang tagal-tagal gumamit ng kaniyang cellphone, palaging may kausap sa telepono.
Minsan isusumbong siyang text ng text kaya hindi raw nito naririnig ang bata kahit sumisigaw na itong tumatawag sa kaniyang yaya.
Takang-taka ang Pinay kung paano nakakagawa ng kuwento ang bata na para bang totoong totoo.
Sabagay “sutil at maldita” ang bata kung tagurian ng magulang ngunit “spoiled” kasi kung kaya’t lahat ng ginusto nito ay nakukuha niya.
Kapag isinusumbong ang OFW, tuwang-tuwa ang batang makitang pinapagalitan siya at pa-ngiti-ngiti pa ‘anya ito. Kapag tinatanong niya ang bata kung bakit siya nagsusumbong ng hindi naman totoo, sasagutin lang siyang “gusto niya lang”.
Ang hirap nga ng buhay OFW. Nakikisama sila sa employer, mga magulang at kapatid nito, pati na sa maliliit na mga batang inaalagaan nila.
Iba ang pang-aabusong natitikman nila sa mga amo. Pati mga anak ng amo, nang-aabuso rin!
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com