TALAGANG bilog ang mundo.
Noon ay nag-aklas ang Magdalo group bilang protesta sa katiwalian na nangyayari sa Arroyo government. Namamatay ang kanilang mga kasama sa pagsabak sa gera dahil sa kakulangan ng gamit samantalang may mga pulitiko na nagpapasarap lang sa kanilang mga opisina.
Hindi nagtagumpay ang kanilang pakikibaka, natapos ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo (ngayon ay kongresista ng Pampanga) ang kanyang termino.
Dumaan ang Aquino government nang parang walang narinig ang taumbayan sa kanila.
At sa Duterte government ay nakapasok ang mga miyembro nito sa Bureau of Customs (BoC).
Ang pagkakaalam ko, kinuha sila ni Duterte dahil sanay ang mga ito na sumunod. At ang ibinigay sa kanilang utos ng Pangulo ay patinuin ang ahensya.
Pero eto ngayon, iniimbestigahan sila ng Kamara de Representante—commitee ng ways and means at dangerous drugs—dahil sa alegasyon ng katiwalian sa kanilang ahensya.
Ang lahat ay nag-ugat sa nakalabas ang P6.4 bilyong halaga ng shabu na itinago sa container van. Kung nagawa ng BoC ang trabaho nito, hindi dapat nakalabas ang bilyong halaga ng shabu.
Sa green lane dumaan ang container van kaya hindi binuksan ang container van. Tuloy-tuloy ang paglabas.
May mga naniniwala na malinis ang mga miyembro ng Magdalo, pero duda kung alam talaga nila ang nangyayari sa kanilang nasasakupan.
Kung alam kasi nila ay paano ito nangyari at bakit hindi nila napigilan o pinigilan?
Masisisi ba sila kung hindi nila kabisado ang BoC, e sa Armed Forces sila nanggaling. Isang taon pa lang sila sa puwesto. Pero hindi nila ito pwedeng idahilan, tinanggap nila ang trabaho dapat handa sila sa hamon nito.
Ang malamang umanong nangyari, napaikutan sila ng mga beterano sa BoC kaya nakalabas ang shabu shipment.
Alam man nila ito o hindi, sila ang masisisi dahil nakalabas ang shabu shipment.
***
Kung saan-saan na napunta ang imbestigasyon ng Kamara, nabuksan na pati ang mga basketball at volleyball player na kanilang pinapasuweldo.
Pero hindi pwedeng magbayad ng player ang BoC para maglaro para sa kanila.
Kahit naman mag-champion ang Team BoC ay hindi naman gaganda ang imahe nila. Hindi mabubura ang imahe ng pagiging corrupt ng ahensya dahil lang sa isang trophy.
Hindi rin naman siguro pwede maglaro ang mga atleta kung hindi sila empleyado ng gobyerno kaya sila ay binigyan ng posisyon.
Pinapasuweldo rin sila ng P40,000 less tax at ang trabaho bukod sa paglalaro ay intelligence officer.
Teka, magkano nga ba ang suweldo ng intel officer ng Customs?
Baka may magtampo niyan. Kasi mayroong mga matagal nang nagtatrabaho sa Customs at ginagawa nang tama ang kanilang trabaho pero hindi ganito ang natatanggap na buwanang sahod.