SABI ng isang miron, “Patollah talaga si Sharon Cuneta!” Kasi nga ay sinagot na ng Megastar ang kuwentong inisnab niya si Sarah Geronimo pagkatapos na pagkatapos ng grand finals ng The Voice Teens.
Tiwa-tiwayway ang sagot ng singer-actress, naging emosyonal siya sa kanyang paliwanag, markado ang kanyang sinabi na walang masama sa pagtataas sa iniidolo ng kahit sino basta walang inilalaglag na iba.
Sinesegundahan namin ang sinabi ni Sharon na ang mga ginagawa ng mga tagahanga ay kumakatawan sa personalidad na kanilang hinahangaan. Ang repleksiyon ng mga sinasabi-inaakto ng mga fans ay tumatama sa kanilang mga iniidolo.
Kapag sumosobra na ang mga fans ay nagtatanong ang marami kung hindi man lang ba sila sinasabihan ng kanilang idolo na mali na ang kanilang mga ginagawa? Dapat ay sinusuheto sila at pinagsasabihan ng idolong kinakatawan nila.
Iniangat ni Sharon ang antas ng kanyang mga tagahanga, nagsasalita lang daw ang mga ito kapag sobra-sobra na ang pag-upak sa kanya ng ibang grupo, huwag daw naman sanang maliitin ng iba ang magandang pagpapalaki sa kanya ng mga magulang niya.
Hindi patollah si Sharon. Napuno na lang siya. Kung may karapatang umupak ang iba, bakit, siya ba bilang artista ay wala?