Tumanggap ng recognition si Sylvia Sanchez mula sa munisipyo ng Nasipit Agusan del Norte kamakailan.
Kinilala si Ibyang bilang anak ng Nasipit sa ginanap na 88th Araw ng Nasipit na nagsimula pa noong Agosto 1, 1929.
Tatlong dekada ang nakalipas bago napansin si Ibyang ng mga kababayan niya na successful sa kanyang propesyon bilang artista.
Ang nagbigay ng award kay Ibyang ay sina Municipal Officials and Municipal Tourism Council headed by Shirley Corvera at mga miyembrong sina Marge Quicho Ampo, Susan Quicho Astillo at Luz Marave.
Masaya si Sylvia sa natanggap niya at umiiyak naman ang nanay niyang si Gng. Rosyline Ortega Campo na kasamang umakyat ng aktres sa entablado para tanggapin ang award.
Sabi ni Ibyang, “Parang kelan lang mama no? Nu’ng umalis ako noon, habang umiiyak ka, dahil ayaw mo akong paalisin, dahil ayaw mong mapahamak ako, pero nagpumilit ako na aabutin ko lahat ng mga pangarap ko.“Nangako ako sa ‘yo na babalik ako sa Nasipit pag may award na ako, nangyari ‘yon mama at ngayong araw na ito, bumalik ulit ako at kinilala ng buong Nasipit ang mga pinaghirapan ko. Mama, natupad ko po lahat ng mga pangarap ko at ‘yon ay dahil din sa walang sawang pagdadasal mo para sa akin.
“Salamat Nasipit, Agusan del Norte sa karangalang ito. Mama, ibinibigay ko naman sa ’yo ang karangalang ito, mas deserve mo ito mama salamat sa tiyaga, pagmamahal at sa lahat ng aral na itinuro mo sa akin, higit sa lahat ang pagpapamana mo ng kabutihan mo sa akin na ngayon ay pinapasa ko sa mga anak ko.
“Maraming maraming salamat mahal kong ina, Rosyline Ortega Campo. Sobra kitang mahal mama.”