ISA na namang mahalagang piyesa mula sa dalawang kampeonato ng Rain or Shine Elasto Painters ang mawawala na sa koponan.
Ito ay matapos ipamigay Lunes ng Elasto Painters si Jeff Chan sa Phoenix Petroleum Fuel Masters kapalit ni Mark Borboran at isang second round Draft pick.
Bunga nito ang beteranong shooting guard ay maglalaro sa kanyang ikatlong PBA team matapos na makuha ng Elasto Painters mula sa Red Bull noong 2009 o ‘yung panahon na binubuo ni coach Joseller “Yeng” Guiao ang isa sa pinakamahuhusay na prangkisa sa pro league.
Kumalas si Guiao sa Rain or Shine sa pagtatapos ng nakaraang season matapos na kunin ang trabaho bilang bagong head coach ng NLEX Road Warriors. Hindi naman nagawang makabangon ng Elasto Painters matapos mawala si Guiao.
Bago si Chan, pinakawalan din ng management ang dating franchise player nitong si Paul Lee ilang oras matapos na lumabas ang balitang lumipat na si Guiao sa ibang koponan.
Si Lee ay nasa Star na at maituturing na malaking bahagi ng kinabukasan ng Hotshots.
Ipinamigay din ng Rain or Shine si JR Quinahan sa GlobalPort bago ito ipinadala ng Batang Pier makalipas ang ilang buwan sa Road Warriors para muling makasama si Guiao.
Huling nagkampeon ang Rain or Shine noong 2016 PBA Commissioner’s Cup kung saan si Pierre Henderson-Niles ang import nito.