Pres. Duterte, libre pa more!

MAHIGIT sa isang taon na sa Malakanyang si Duterte, at kapansin-pansin ang ibayong pra-yoridad nito sa nakararaming mahihirap.
Sinimulan ng “libreng irrigation fees” sa mga magsasaka, ang pag-aalis ng mahahabang pila sa ahensya ng gobyerno, ang wakas ng “tanim-bala” sa airport kotongan ng “immigration”.
Ang bilyun-bilyong pisong pantawid pamilya ay ipinahawak sa mga leftist tulad ni Sec. Judy Taguiwalo kasama sina Liza Masa sa National Anti-Poverty commission at Terry Ridon sa Presidential Commission on Urban poor. Samantalang ang repormang agraryo ibinigay kay lef-tist Rafael Mariano.
Walang bahid pulitika ito o corruption ang mga ahensyang ito lalo’t militante sila at kabisado ang problema.
Inilaan din ang pondo ng PAGCOR para sa mga mahihirap na tinataguyod ng NAPC samantalang ang PCSO ay patuloy na ipamimigay ang pondo sa mga gamot ng naoospital.
Naalala niyo rin ba ang bilyun-bilyong pisong President’s Social Fund ni PNoy na noon ay ”discretionary at halos personal account”? Idagdag pa ang mga “special purpose funds” na “pork barrel” mismo ni PNoy na pilit na i-pinagtatanggol noon nina Budget Sec. Butch Abad at Finance Sec. Cesar Purisima.
Karamihan dito napunta sa pet projects ng pangulo at ng kanyang Liberal party. Iyong iba ay hindi naman nagastos dahil “underspending” nga ang kanyang admi-nistrasyon.
Pero ngayon, bahagi nito ay deretso sa mas nakararami; halimbawa sa mga pamilya ng nasawing mga sundalo at pulis. Saan ka makakakita ng tig-P1M sa pamilya ng bawat sundalong nasawi bukod sa mga su-gatan?
Nitong nakaraang linggo, sunud-sunod na biyaya ang dumating. Sa bisa ng RA 10930, nalibre din ang mga drivers ng dalawang taon sa kanilang lisensya dahil extended na mula tatlong taon ngayon ay five years na.
Maging ang pa-saporte na dati’y 5 years lang ang bisa, ngayon ito’y 10 years na dahil sa RA 10928.
Napakalaking multa ang ipapataw sa mga ospital na tatangging tumanggap sa mga mahihirap na pasyenteng walang pandeposito.
Pero ang pinakamatindi ay ang batas sa libreng matrikula sa mga state Universities and Colleges (SUCs) at local colleges at TESDA sa bisa ng RA 10931.
Nagsimula ito sa itinagong P8-B nilang DPWH pork barrel ng rehimeng PNoy at ipinarada sa CHED.
Buti nahuli ng Duterte administration partikular si Sen. Ping Lacson at ibinigay pansamantala noong 2016 sa libreng matrikula ng SUCs.
Pero para maging batas, talagang matin-ding hamon. Aprubado ng mga congressman at senador, pero, isiningit ang mga provincial at city colleges ng mga LGU’s, kayat inaasahan na ive-veto ito ng pangulo.
Pero, pinirmahan din ng pangulo at nagdiwang ang mga public college students sa buong bansa.
Ayon sa pangulo, mas malaking investment ang edukasyon ng mga bata sa mahabang panahon.
Pero ang siste, sakayan at nagpasiklab na naman sa kredito ang mga senador at congressman. Sila raw ang nagpanukala, sila raw ang nagtulak nito. May nagpa-presscon pa.
Ang hindi nila naisip, mismong si Pres. Duterte, hindi tumawag ng “press conference” para pirmahan ang mga “libre” niya sa mga mahihirap.
Sa totoo lang, maraming presidente, mga pulitiko, administrasyon man o oposis-yon, kasama ng Malakanyang at econo-mic managers ang nagsulong sa mga panukalang pabor sa mahihirap.
Pero si Duterte lang ang sumugal sa mga mahihirap kahit ayaw ng “economic managers”.

Para sa komento, reaksyon, mag-email sa inquirerbandera2016@gmail.com o mag-text sa 09999858606

Read more...