INABANGAN talaga namin ang pag-entra ni Aljur Abrenica sa Ang Probinsyano, ang seryeng tinututukan ng bayan ni Juan na pinagbibidahan ni Coco Martin, para masaksihan namin kung ano ang kanyang partisipasyon sa numero unong serye.
Ang una naming napansin ay ang bruskong katawan ng aktor, talagang ipinaglantaran sa mga eksena niya ang mga namumutok niyang pandesal sa dibdib at braso, isang napakatinding imbitasyon sa mga becki at kababaihan.
Katawan ang pambulag ni Aljur, du’n sumentro ang mga una niyang eksena, pagkatapos nu’n ay saka lang siya nagkaroon ng mga dialogue.
Siya si Miguel, anak ng isang milyonaryo na ang hanapbuhay ay pagku-quarry nang walang lisensiya, naghahari sila sa naturang lugar dahil may patong mula sa kanila ang mga otoridad.
Ipinakita siya bilang isang malupit na amo, nilalatigo niya ang mga manggagawa sa kanilang kumpanya, palaging nagngangalit ang mga bagang ni Aljur sa kanyang mga eksena.
Mukhang okey naman ang kanyang pagganap, kahit sa pagdedeliber niya ng mga dialogue ay pasable naman si Aljur, kailangan lang sigurong tutukan ang kanyang pag-arte para hindi siya matawag na hamonadong aktor.
Siguradong makakabangga niya si Coco Martin sa serye dahil ang bida ang nakipaglaban sa mga tauhan ng quarrying na pag-aari nina Miguel na karamihan ay namatay.
‘Yun ang magiging kaabang-abang lalo na’t tinanggap na ng grupo ng Pulang Araw si Cardo na miyembro ng SAF na nakaengkuwentro ng grupo dahil sa pagliligtas nito sa kanilang supremo.
Obyus ba na sinusubaybayan namin ang Ang Probinsyano? Gusto naming makabasa ng editor’s note ng anak-anakan naming si Ervin Santiago.
Ha! Ha! Ha! Ha!
(Hindi naman masyadong halata Nay! Pero ngayon alam ko na kung sino ang tatanungin ko kapag may na-miss akong episode. Promise Nay hindi ko na kayo gagambalain pagkatapos ng TV Patrol! Ha! Ha! Ha! – Ed)