Mga Laro sa Martes
(Filoil Flying V Centre)
2 p.m. EAC vs Arellano
4 p.m. Mapua vs St. Benilde
NAGLATAG ang Lyceum of the Philippines University Pirates ng matinding depensa sa second half para matambakan ang University of Perpetual Help Altas, 76-58, at pahabain ang pagwawagi sa anim na sunod sa 93rd NCAA men’s basketball tournament Biyernes sa Filoil Flying V Centre, San Juan City.
Muling pinamunuan ni CJ Perez ang mga Pirates sa ginawang 19 puntos habang si MJ Ayaay, na isinelebra ang kanyang ika-24 anyos na kaarawan isang araw bago ang laro, ay nagtala ng 12 puntos at siyam na rebounds sa pagpapanatili ng Lyceum sa tanging malinis na kartada at pagkapit sa solong liderato.
“Ipinapakita lamang namin ang katulad na pagiging agresibo at pagkagutom namin sa korona,” sabi ni Perez.
Naghabol sa 34-35 sa ikatlong yugto, umatake ang LPU sa paglatag ng full-court trap na ikinagulantang ng Perpetual Help at hindi naresolba sa sumunod na 20 minuto ng labanan na nagtulak sa mahigpitan na labanan na magmistula na napakadali na panalo para sa Pirates.
Nagtala ang Nigerian na si Prince Eze ng 21 puntos at 19 rebounds subalit hindi nito nabitbit ang Altas tungo na sa pagkahulog sa 2-3 karta.
Bago ito ay naungusan ng defending champion San Beda Red Lions ang Jose Rizal University Heavy Bombers, 54-48, sa naging madepensang labanan na nagtulak sa mababang iskor na panalo at nagbigay dito ng 5-1 panalo-talong record.
Namuno si Clint Doliguez, na transferee mula Ateneo, sa paghulog ng career-high 22 puntos upang bitbitin ang Red Lions sa panalo habang nahulog ang Heavy Bombers sa 2-3 kartada.
Ginulantang naman sa juniors division ng JRU ang San Beda, 77-70, para sa una nitong panalo matapos ang apat na kabiguan.
Nanguna si Javine Serrano sa Light Bombers sa 22 puntos at 11 rebounds habang sina John Amores at John Sicat ay nagtulong para sa 18 puntos sa ikaapat na yugto para makamit ang ikalawa lamang na panalo ng koponan sa loob ng siyam na taon kontra sa Cubs.
Ang tanging panalo ng JRU kontra San Beda ay noon pa Hunyo 30, 2014 sa pagtakas nito ng 76-74 panalo na pumigil sa limang taon nitong losing streak sa ilang beses tinanghal na kampeon na Cubs.
Nalasap ng Cubs ang ikalawang kabiguan kontra sa apat na panalo.
Wagi rin ang LPU Baby Pirates kontra Perpetual Altalettes, 89-86, para umangat sa 3-3 kartada.