PATAY ang isang dating miyembro ng media at kanyang kapatid na lalaki nang pagbabarilin sa San Juan City kagabi, ayon sa pulisya.
Kinilala ni Eastern Police District Director Chief Supt. Romulo Sapitula ang mga biktima na sina Michael D. Marasigan, 60, at kanyang kapatid na si Christopher, 50, isang negosyante.
Dating mamamahayag si Michael sa Business World, dating independent video producer sa Living Asia Channel at nagtrabaho sa Department of Finance (DOF).
Sa ulat na nakarating kay Sapitula, nakasakay ang mga biktima sa isang metallic gray na Mazda (PN WOU 583) sa kahabaan ng V. Cruz st. at parating ng Barcelona st. sa San Juan ganap na alas-6:10 ng gabi nang sila ay atakihin.
Sinabi ng tanod ng Barangay Sta. Lucia na si Troy Chavez na galing ang sasakyan ng mga biktima mula sa P. Parada st. at papunta na ng Barcelona st. nang lapitan sila ng mga salarin na sakay ng isang itim na motorsiklo. Bumaba ang nasa likuran ng motorsiklo at pinagbabaril ang mga biktima ng maraming beses.
Residente si Michael ng Barangay Onse sa San Juan, samantalang taga Miranda, Barangay Sta. Lucia naman si Christopher, ayon sa tanod.
Nakaupo si Michael sa passenger seat at dead on the sport matapos magtamo ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan, ayon sa pulisya.
Nagtamo ng tatlong tama ng bala si Christopher malapit sa tiyan at isang pa sa tagiliran.
Dinala si Christopher sa San Juan Medical Hospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Inamin ni Chavez na walang closed-circuit television sa lugar at may ginagawang pabahay malapit sa pinangyarihan ng krimen.
Inaalam pa ng mga imbestigador ang motibo sa pagpatay. Inquirer