Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:15 p.m. Alaska vs TNT
7 p.m. San Miguel Beer vs Star
Team Standings: NLEX (4-0); Meralco (3-0); San Miguel Beer (2-0); Star (2-0); Barangay Ginebra (2-1); Phoenix (2-2); TNT (1-1); Rain or Shine (1-2); GlobalPort (1-2); Blackwater (0-3); Alaska (0-3); Kia (0-4)
IKATLONG sunod na panalo ang hahablutin ngayon ng San Miguel Beermen sa pagsagupa sa Star Hotshots sa tampok na laro ngayon ng 2017 PBA Governors’ Cup elimination round sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Unang magsasagupa ang Alaska Aces kontra TNT KaTropa sa ganap na alas-4:15 ng hapon bago ang salpukan ng Beermen at Hotshots ganap na alas-7 ng gabi.
Muling dinomina ng San Miguel Beer ang TNT kamakalawa para sa ikalawang sunod na panalo bagaman inaasahang mahaharap ito sa matinding hamon kontra Star na galing din sa dalawang sunod na panalo.
Misyon ng Hotshots ang 3-0 pagsisimula matapos biguin ang Alaska Aces (101-92) at Blackwater Elite (103-86) at makakasalo nila sa ikalawang puwesto ang pahingang Meralco Bolts (3-0) sakaling magwagi.
Kasalukuyang magkasalo sa ikatlo at ikaapat na puwesto ang Beermen at Hotshots.
Magkakagirian ang mga import na sina Wendel McKines ng San Miguel Beer at Malcolm Hill ng Star na nasa pangalawa pa lang nitong pagsalang matapos palitan si Cinmeon Bowers.
Muli naman aasahan ng San Miguel Beer sina June Mar Fajardo, Arwind Santos, Alex Cabagnot, Marcio Lassiter at Chris Ross habang sasandalan ng Hotshots sina Paul Lee, Allein Maliksi, Jio Jalalon at Ian Sangalang.
Babawi naman mula sa pagkatalo ang Tropang Texters laban sa inaalat na Aces (0-3).