Zaijian binata na: Mas mahirap pong maging mabait kesa magpakasama!

BOR LENTEJAS , ZAIJIAN JARANILLA AT THERESE MALVAR

BINATA na rin ang dating child wonder na si Zaijian Jaranilla. Nakachika namin siya sa presscon ng pelikulang “Hamog”, isa sa mga official entry sa 2017 Pista Ng Pelikulang Pilipino.

Gagampanan ni Zaijian sa movie ang karakter ni Rashid, isang muslim na napabarkada sa mga “batang hamog” na namamalimos at nambibiktima ng mga motorista sa mga highway. Napanood na namin ang “Hamog” at talagang napanganga na lang kami sa mga eksena ng bagets.

Natanong namin si Zaijian kung nahirapan ba siyang gampanan ang nasabing role dahil ibang-iba nga ito sa mga nagawa na niya noon.

“Para sa akin hindi naman po. Parang normal lang sa akin. Sa totoo lang po mas nahihirapan po talaga akong magpakabait. Ha-hahahaha!

“Kasi sa itsura ko ngayon parang hindi naman talaga ako mabait. Noong bata po ako makikita nila ako mukha akong inosente, pero iba na ngayon. Tingin nila sa akin mabait dahil nakikita pa rin niya si Santino (role niya sa seryeng May Bukas Pa). Pero sa loob-loob ko, sa sarili ko parang hindi naman (ako ganu’n kabait).

Magsisimula na ang kauna-unahang Pista Ng Pelikulang Pilipino sa Aug. 16 na tatagal hanggang Aug. 22 at isa nga ang “Hamog” sa mga napiling entry dito. Una itong naipalabas sa 2015 Cinema One Originals na tumatalakay sa buhay ng mga kabataan na tinatawag na mga “batang hamog” na sa kanilang murang edad ay nakakagawa na ng iba’t ibang krimen.

Bago magsimula ang special screeing ng “Hamog” last Tuesday sa Ayala Vertis North, sinabi ni Zaijan na tinanggap niya agad ang proyekto matapos basahin ang script, “Pumayag po talaga ako. Nu’ng in-offer sa akin ni Direk Ralston (Jover), nag-oo naman po agad ako. Tapos ‘yung Star Magic na lang po ‘yung nag-coordinate rin.”

Hindi naman daw siya gaanong nahirapan sa mga ginawa niyang eksena sa pelikula, “Nagkaroon din po kami ng mga kaibigan namin na batang hamog and nabigyan din naman po kami ng tips kung paano ‘yung talagang tamang batang hamog.”

Dagdag pa ng bagets, “Kailangang maging aware din tayo sa environment natin na mayroon din mga batang hamog and lalo na du’n sa mga magulang, na dapat alagaan nila ‘yung mga anak nila.” Kinunan ang halos kabuuan ng pelikula sa ilalim ng Guadalupe Bridge sa Makati kung saan bumida nga ang Pasig River.

Hindi pa rin nawawala ang galing ni Zaijian sa akting, pinatunayan sa “Hamog” na kayang-kaya rin niyang gampanan ang isang role na “out of the box”. Hindi siya nagpalamon sa galing ng kanyang co-star sa movie na si Therese Malvar na ilang beses na ring kinilala bilang mahusay na aktres sa iba’t ibang international film festival.

Matapos naming mapanood ang “Hamog”, hindi na kami magtataka kung muling magbida sina Zaijian at Therese sa mga pang-world class na indie movies. Ginalingan talaga, e!

Kung matatandaan, nakuha ng “Hamog” ang Outstanding Artistic Achievement sa Shanghai International Film Festival at tinanghal na Best Film sa Russian Critics Circle na ginanap sa Moscow International Film Festival kung saan nagwagi rin ng Silver St. George Best Actress si Therese.

Makakasama rin sa “Hamog” sina Lou Veloso, Anna Luna, OJ Mariano, Sam Quitania, Bor Lentejas, Mike Liwag at Kyline Alcantara.

Ito ay sa direksyon ni Ralston Jover at mapapanood na simula sa Aug. 16 sa mga sinehan nationwide bilang bahagi nga ng Pista Ng Pelikulang Pilipino.

Read more...