Matiisin o reklamador nga ba ang Pinoy?

MAY 5,800 employers sa Hong Kong ang nailagay sa “watchlist” sa unang kalahati ng taon ng 2017. Ibig sabihin, hindi na sila maaaring kumuha ng mga Filipino domestic helpers.

Ito ang mga tipo ng employers na naireklamo dahil sa hindi pagpapasuweldo nang tama, pisikal na nang-aabuso, walang tamang working condition, pati na ang hindi magandang pagtrato sa kanilang mga manggagawa.

Ayon kay Labor Attache’ Jolly dela Torre ng Philippine Overseas Labor Office, may sistemang naisayos na rin sila sa pagitan ng Konsulado ng Pilipinas at Indonesia sa Hong Kong hinggil sa naturang listahan ng mga abusadong employer upang hindi na rin sila makapagpadala ng mga domestic helpers doon.

Hindi makakaipon ng ganito karaming pangalan ang ating konsulado kung hindi sila naireklamo ng ating mga OFW.

Dati-rati, tinitiis na nga lang ng mga kababayan natin ang hindi magandang mga pagtrato sa kanila, sa takot na mapauwi sila ng Pilipinas at mawalan ng trabaho.

Alam naman nating malaking bagay ang pag-aabroad ng isang OFW lalo pa nga’t pawang mga kababaihan ang mga domestic helpers sa Hong Kong.

Naipangako na nila ang kanilang kinikita kahit pa nga ang hindi pa nila kinikita.

May mga pinaglalaanan kasi sila para sa kani-kanilang pamilya.

May mga plano. Ito ang nagtulak sa kanila upang umalis ng bansa at maglingkod sa bahay ng iba.

Kaya naman para sa iba nating mga kababayan na dumaranas ng ganitong mga pang-aabuso, kung kakayanin pa nila, titiisin nila iyon hanggang matapos ang kanilang mga kontrata.

Pero kung umabot na ito sa kulang-kulang na 6,000 employer na naireklamo, hindi na nga sila matagalan ng ating mga OFW.

Malaking bilang iyan! Patunay lamang na marami ang nang-aabuso, at matapang rin ang ating mga Pinay na nagreklamo laban sa kanilang mga employer.

Ang magandang balita pa niyan, kung may parehong listahan ang Pilipinas at Indonesia, tiyak na malaking problema ito sa mga abusadong employer. Pinay at Indonesian kasi ang numero unong mga kasambahay na kinukuha nila. Kaya kung nakalista sila, tiyak na ibang lahi ang makukuha nila at tiyak na mababawasan na ang pang-aabuso sa ating mga Pinay.

Tulad na lamang ng kaso ng isa nating OFW mula sa Iloilo.

Nagsumbong itong sinampal ng nanay ng kaniyang employer.

Agad nating ipinaalam ang reklamo kay Labatt dela Torre at kaagad siyang umaksyon. Tinawagan pa niya ang ina ng OFW at siniguro sa kaniyang tutulungan ang OFW at huwag na silang mag-alala pa.

Matiisin ang Pinoy! Iyan ang totoo! Sanay’ sa hirap! Sanay magtiis kahit ano pang suungin alang-alang sa pamilya. Pero kapag hindi na makatiis ang Pinoy, para silang mga leon sa tapang upang ipagtanggol ang kanilang karapatan.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com

Read more...