MUKHANG nagpakita na ng kanyang bangis ang isang hindi kataasang opisyal ng Department of Interior and Local Government.
Ito kasing si Mr. DILG Official ay isa rin palang lider sa kanilang lugar.
May ilang taon na siyang bosing ng kanyang mga kapitbahay matapos na maihalal sa puwesto para asikasuhin ang kanilang kalagayan.
Pero nang matapos ang kanyang termino at hindi na muling nanalo sa botohan ay sumama ang loob nito.
At dahil nga ayaw niyang umalis sa puwesto, ang kanyang ginawa ay nagpatawag ng mga pulis.
Takot lang ng pulis na hindi sumunod sa kanya, kaya sumugod sa lugar ang maraming pulis.
Susme! Talo pa umano ang raid sa shabu tiangge sa dami ng pulis na pumunta.
Obvious naman na hindi niya matanggap na laglag na siya sa puwesto kaya tumawag ng responde.
Wala namang kaguluhan sa lugar at kung may nanggugulo man, siya ‘yun dahil ayaw niyang paupuin ang mga bagong luklok sa puwesto.
Ikaw, sir, ginagamit mo ang iyong posisyon para mang-api ng iba. At ang mga pulis pa ang ginamit mo sa pananakot, gayong ang tungkulin nito ay panatilihin ang kaayusan.
Ayaw ni Sec. Mar Roxas nyan, sir.
Tipikal na Pinoy: Kapag summer sasabihin “Ang init-init” at kapag tag-ulan naman nagrereklamo sa baha.
Ito pa ang isa: Kapag nangungutang, kulang na lang lumuhod sa pagmamakaawa para lang pautangin siya.
Dahil sa awa ay gagawan ng paraan ng inuutangan para makatulong.
Kapag singilan na, ang tingin sa nagpa-utang, demonyo na nagkatawang tao.
Isa nang ganap na batas ang Kasambahay Bill, at marami nang pamilya ang nag-iisip na paalisin na ang kanilang mga katulong.
Bakit? Kasi kung hindi mo masusunod ang lahat ng probisyon ng RA 10361 o ang Batas Kasambahay, ikaw na amo ang magmumulta at maaaring makulong.
Paano raw kung ang katulong ay ayaw magpa-miyembro ng SSS, PAG-Ibig at PhilHealth? ‘Yung amo magmumulta at makukulong pa rin, kung katulong nga ang may ayaw e.
Ang masakit nito, baka ngayon ay ayaw niya at nagkasundo kayo na huwag nang kumuha. Paano kung nagkagalit kayo?
Tapos magreklamo siya na hindi mo siya pinayagang kumuha ng SSS, PhilHealth o PAG-Ibig, multa ka na ng P10,000 to P40,000 maaari ka pang makulong.
Editor: Para sa komento, i-text ang inyong pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.