‘Ikaw nga ang mahal, ako naman ang katabi’

 

ITO ang mensaheng nagpainit ng dugo ni Roldan, asawa ng OFW sa Hongkong, nang makita niya ang mga katagang ito sa Facebook ng asawa na nakikipag-away sa kapwa OFW roon.
Ayon kay Roldan, labing isang (11) taon siyang nagtrabaho sa Saudi Arabia at ang asawa ang nagpauwi sa kanya sa Pilipinas. Taong 2008 nang ikinasal sila ng OFW na galing din noon sa Saudi.
Taong 2003 pa dapat silang naikasal ng misis, ngunit nang mga panahong iyon ay mayroon pang ibang karelasyon ang asawa. Labis umanong ikinasama ng loob ng magulang ng babae ang nangyari. Hindi nagtagal, namatay ang tatay nito at isinisisi ng OFW ang pagkamatay ng ama kay Roldan. Nasundan pa ito ng pagkamatay din ng kanyang ina.
Pinauwi na lamang siya ni misis upang manatili sa bansa samantalang papaalis naman ito patungong Hongkong. Nagkasundo sila ni misis na ang huli muna ang magtatrabaho habang naghahanap naman siya ng mapapasukan sa Pilipinas at siya na ring mangangalaga at titingin sa anak nila.
Pumayag si Roldan na makipisan sa pamilya ni misis sa Mindanao.
Makisama lamang sa mga kamag-anak ng asawa kahit anong ipagawa sa kanya sa probinsiya.
Naroong pagsisibakin siya ng kahoy, pag-iigibin, paglulutuin nang maramihan. Wala anya siyang reklamo dahil gusto niyang makisama sa pamilya ng kabiyak.
Ngunit kalaunan ay napansin niyang hindi sa kanya nagpapadala ang asawa. Ipinapadala nito ang pera sa kanyang kapatid at anak.
Nagdulot na ito ng labis na sama ng loob kay Roldan. Umaasa siyang susuportahan din siya ni misis habang naghahanap siya ng mapagkakakitaan sa Pilipinas. Tumahimik na lamang muna siya.
Nang sitahin ni Roldan ang asawa nang makita ang pakikipag-away nito sa kapwa OFW sa Hongkong, naisip niyang niloloko na siya nito at nakikipag-agawan pa sa atensyon ng isang lalaki, kung kaya’t doon na niya inaway ang misis.
Pero tinanong namin si Roldan kung sigurado nga ba siyang lalaki ang kinalolokohan ng asawa. Dahil sa Hongkong, palasak na ang relasyong babae at tomboy (o mas kilala sa tawag na mga thunderbird).
Sa puntong iyon, galit na galit si misis sa Hongkong at pinalayas si Roldan sa kanilang bahay sa Mindanao. Walang magawa ang asawang lulugo-lugo kundi umalis na lamang ito at nagtungo sa Maynila. Si misis naman, walang anumang inamin o itinanggi sa ibinibintang ng asawa.
Lumapit sa Bantay OCW si Roldan upang humingi ng tulong hinggil sa kaniyang problema at kung posible na muling makapagtrabaho. Dagdag pa niya, pinangakuan siya ng asawang tutulungan na muling makapag-abroad ngunit hindi naman nito tinupad.
Nang tinawagan naman niya ang kapatid ni misis sa Mindanao, sinabi pa nitong hindi na raw siya kilala ng anak niya. Masamang-masama ang loob ni Roldan. Kawalang katarungan ang hiyaw niya sa dinadanas sa asawa. Nagbigay pa nga siya ng payo sa mga nais mag-asawa na mag-ingat sa pagpili ng mapapangasawa.
Pina-check naman namin ang pangalan ng kanyang asawa sa POEA upang malaman ang kinaroroonan nito sa Hongkong ngunit walang record kaming natagpuan.
Para sa usaping legal, inendorso ng Bantay OCW si Roldan kay Atty. Elvin Villanueva at palibhasa’y nagtrabaho naman siya bilang waiter at pizza/ sandwich maker, magtutungo naman siya kina Capt. Ronaldo Enrile at Engr. Peter Lugue ng Philippine Transmarine Carriers upang makapag-aaply sa kanilang mga passenger cruise lines.
Hangad din naming makuha ang panig ng OFW na misis ni Roldan upang maging patas ang Bantay OCW sa pagtalakay sa problemang ito ng mag-asawa.
BOSES NG MGA OFW SA SENADO AT KONGRESO
Sa wakas may mananaig ng boses ng ating mga OFW para sa kanilang mga kagyat na pangangailangan sa pamamagitan ng mga napapanahong batas na dapat maipasa sa Kongreso sa pinakamadaling panahon.
Ito ang pagsasanib puwersa nina Senator Aquilino ‘Koko” Pimentel mula sa Senado at ang mga kinatawan naman sa Kongreso mula sa OFW Family Club partylist ni Ambassador Roy Seneres at Angkla Partylist ni Atty. Jess Manalo.
Ngayon pa lamang tiyak na mas magiging aktibo ang partisipasyon ng mga kasangga ng ating OFW at makasisigurong mas pinalawig na proteksyon ang makaaabot sa bawat OFW saan man sa mundo.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer dzIQ 990 AM, Lunes – Biyernes, 11:00 am-12:00 nn, 12:30-2:00pm audio/video live streaming: www.dziq.am.
Helpline: 0927.649.9870 / 0920.968.4700 Mapapanood sa PTV 4 tuwing Martes 8:00-9:00pm.
E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com

Read more...