NATUTO sa kani-kanilang karanasan sina Rafael Pescos mula Cebu City at Cinderella Angana-Lorenzo ng Taguig City tungo sa pagtala ng kani-kanilang pinakaunang pagwawagi at kapwa pag-uwi sa nakatayang titulo sa men’s at women’s division Linggo ng umaga sa 41st National Milo Marathon Metro Manila leg na ginanap sa SM Mall of Asia grounds.
Sinandigan ng 23-anyos na si Pescos, na nasa kanya lamang ikatlong pagsabak sa 42-kilometer race matapos na magwagi sa sinalihang 10th Cebu City Marathon at isa pa sa Filinvest City sa Alabang, ang anim na buwan na pagsasanay kasama ang mga kaibigan sa Spectrum Runners Club upang iuwi ang prestihiyosong titulo ng Milo Marathon.
“Nagkatrangkaso ako at tumapos lang na 11th place sa 2 oras, 48 minuto,” sabi ng mula Hinigaran, Negros Occidental subalit nakabase sa Cebu na si Pescos, eksaktong anim na buwan matapos ang ginanap na 40th National Milo Marathon finals sa Iloilo.
“Sabi ko po sa sarili ko, babalikan ko kayo at masayang-masaya po ako dahil dito pa ako sa Manila nanalo,” sabi ni Pescos na itinala ang personal best time nito na 2:38.77 upang talunin ang dating kampeon na si Erick Panique na pumangalawa sa malayong 2:43:10 oras. Ikatlo si Noel Tillor na may oras na 2:47.31.
“Nagpapasalamat din ako sa team namin na tumulong sa akin sa ensayo. First ko po dito sa Manila at diskarte talaga ako dahil hindi ko alam ang ruta. Tiwala lang po ako sa sarili ko at inisip ko lang po ang maitutulong ng makukuha kong panalo para sa mga kapatid ko,” sabi ng ikaanim sa pitong magkakapatid na si Pescos.
“Patuloy ko po iisipin ang mga natutunan ko dito sa Milo Marathon at ipunin ang premyo para mas mapaganda ko pa po ang pagtakbo ko. Bibili din ako ng bagong sapatos na pangtakbo talaga at tutulungan ko ang team dahil sila po ang nagtutulak sa akin magtrangko sa ensayo,” sabi pa ng taga-Barangay Bulacao Pardo na si Pescos.
Nagsilbi naman inspirasyon sa 28-anyos na si Lorenzo na mula Roxas City ngunit naninirahan na sa Taguig City ang kanyang pamilya at mga anak upang pagbutihin ang pagkampanya sa taunang torneo tungo sa pagsungkit nito sa kanyang pinakaunang korona sa full marathon sa kababaihan.
“Nag-third po ako last year dito din sa Metro Manila leg at nag-qualify po ako noon sa finals kaya lang hindi na ako nakatakbo sa nationals. Simula po noon ay pinaghandaan ko na talaga manalo dito at makasama sa listahan ng mga champions dito,” sabi ni Lorenzo, na may tatlong anak na lalaki na sumali rin sa karera na iniendorso ng Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, Department of Education, Philippine Athletics Track and Field Association at International Association of Athletics Federations-Association of International Marathons and Distance Races.
“Ayaw ko pa po sana sila pasalihin kaya lang po talagang gusto nila tumakbo kaya pinabayaan ko na lang po,” sabi ni Lorenzo na nagtala ng kabuuang 3:16.15 tiyempo upang talunin sina Lany Cardona na may 3:23.38 oras at si Lizane Abella na may oras na 3:29.48.
Ang National Milo Marathon ay katulong din ang Salonpas at suportado ng Garmin, Hisense, Manila Bulletin, Maynilad at Walter Mart Supermarket.
Umabot naman sa kabuuang 32,245 katao ang sumali sa ikatlong leg ng nakatakdang isagawa na kabuuang 16 yugto ng karera ngayong taon kung saan may 1,902 sa 3km, may 22,329 sa 5km, may 3,624 sa 10km, may 2,068 sa 21km at 2,322 sa tampok na 42km.
Nagwagi sa 21km female category si Jhanine Mansueto (1:35:00) habang ikalawa si Maricar Camacho (1:36:04) at ikatlo si Angela Lara Garcia (1:43;50). Kampeon sa kalalakihan si Gregg Vincent Osorio (1:16:00) habang ikalawa si Ferdi Miras (1:23:55) at ikatlo si Michael Icao (1:25:36).
Kampeon sa 10km women’s division si Diane Klein Ong (46:57), ikalawa si Lhyra May Mendoza (48:58) at Mae Dellomas (49:20) habang wagi sa men’s class si Jackson Kiprotich Chirchir (31:59), ikalawa si Alexander Melly (32;53) at ikatlo si Elphiz Kipngeticmkiptaruz (34:31).