IBANG klase pala ang takbo ng utak ng isang guwapong male personality. Matagal nang isyu ang kawalan niya ng paglingap sa kanyang anak sa isang female personality.
Ewan naman kung ano ang pumasok sa kanyang kukote, alam niya namang anak niya ang bata at wala siyang dapat kuwestiyunin, pero mula nu’n hanggang ngayon ay ni hindi man lang niya madalaw ang bata.
Ang dami-dami niyang kesyo, napakarami niyang ibinibigay na dahilan kung bakit ni hindi niya man lang sinisilip ang bata, samantalang hindi naman siya nagtatrabaho sa lahat ng oras.
At may kuwento pa ang aming source tungkol sa dapat ay sustento niya sa bagets, ang sabi nito, “Bago siya magpadala ng sustento sa anak niya, e, kailangan munang ipadala sa kanya ng girl ang gastos ng bata sa araw-araw.
“Kailangang detalyado ‘yun. Kailangang itemized. Dapat nakalista du’n kung magkano ang kinakain ng bata daily, kung magkano ang gastos niya sa school, kung ilang beses siyang binibili ng damit at sapatos ng mommy niya.
“Ganu’n muna ang gusto niyang mangyari bago niya bigyan ng sustento ang anak niya. Nakakaloka siya, di ba naman? Gagawa-gawa siya ng milagro, pero nu’ng magbunga ang init ng katawan niya, e, kailangang itemized ang kinokonsumo ng anak niya araw-araw?
“Sabi nga ng mga kaibigan niya mismo, e, ganu’n daw ang katwiran ng taong ayaw magbigay, sa totoo lang! Nakakaloka! Detalyado pa ang gusto niya bago siya magpadala ng pera sa anak niya?
“E, kumikita naman siya nang maayos, nakikipagrelasyon nga siya, gumagastos din siya sa pagpapasaya sa girlfriend niya, pero ang anak niya, e, kailangan niyang paghigpitan ng ganyan?
“Naku, sa totoo lang, nakakapikon nga naman ang ganyang lalaki. Hindi na lang kasi niya diretsuhin ang mommy ng anak niya na ayaw niyang magsustento, tapos!
“Buti na lang at kumalas na sa kanya ang isang magandang singer-actress na anak ng isang sikat na female personality. Mabuti na lang!” pagtatapos ng aming source.
Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, marami silang magkakapangalan sa showbiz, pili na lang kayo kung sino sa kanila ang ipinaglihi sa inuyat!