Palpak na serbisyo ng mga car companies

NITONG nakaraang linggo ay sunod-sunod na reklamo laban sa mga car companies ang natanggap ko. Mga reklamong sobrang lakas makasira sa impresyon ng mamimili ng kotse. At ito nga ay dahil sa kapabilidad ng mga car companies na magserbisyo sa kanilang kostumer.

Dalawa sa reklamo ay tungkol sa sablay na pagdeliver ng sasakyan sa mga kliyente nila. Isa sa nagreklamo sa akin ay kaibigan ko sa negosyo at yung isa naman ay dati kong kasama sa ABS-CBN.

Ang una ay nadismaya sa Toyota at ang ikalawa naman ay sa Hyundai.

Simple lang naman ang reklamo. Bumili sila ng kotse sa dealer sa Metro Manila. Nagbayad sila ng downpayment at ibinigay ang lahat ng kailangang dokumento. Inabisuhan sila ng mga ahente na ayos na at binigyan ng petsa kung kailan nila makukuha ang kotse.

Nang dumating ang takdang araw na kukunin na nila ang sasakyan ay doon lamang sila sinabihan ng ahente na wala pa ang kotse. Sa unang reklamo ay naibigay daw sa VIP yung kotse at sa ikalawa naman ay hindi pa raw handa ang sasakyan na para sa kanya.

Madalas ay mahina ang dalawang buwan bago makuha ng bumibili ang kotse niya sa mga dealer. Sa haba ng panahon na ito ay siguro naman makikita na ng ahente kung may aberya sa binibiling kotse at maaabisuhan agad ang kliyente niya, at hindi yung sa takdang araw lang ipaalam sa client ang problema.

Sa ibang brand na lang sana bibili ang kliyente dahil naumay na sa kausap nila. Ang problema, hindi naman agad maisoli ng ahente yung downpayment ng mga kawawang consumer dahil 60-90 days daw bago marelease yung pera nila!

Niloko na, inipit pa yung pera nila!

Yung isang insidente naman, ang kawawang tao ay naglabas na ng advertisement sa isang major newspaper. Dito ay ikinuwento niya yung karanasan naman niya sa Ford kung saan bumili siya ng brand new na kotse pero ilang buwan pa lang ay nasira na.

Nang ipadala niya sa Ford, sinabi sa kanya na maghihintay siya dahil walang piyesa sa bansa at bibilhin pa ito sa Thailand. Ang nasirang piyesa at timing belt na malabo masira agad sa bagong kotse.
Matapos ang isang buwan sabi ng Ford hindi nila magawa ang kotse nila dahil wala pala sila nung special tools para sa kotse niya at hihintayin ang pagdating ng tools na ito. Tatlong buwan nang naghihintay ang pobreng kliyente.

Ganito na ba ang serbisyo ngayon ng mga car companies? Magtitinda ng kotse na hindi nila mai-deliver o kaya ay walang tools para ayusin ang mga ito? Hindi ba may batas tayo na dapat ay may service component ang mga ibinibentang kotse?

Dahil ba sila ang “fastest and largest growing industry” sa bansa ay puwede na rin silang parang Telco’s (telecommunication companies) na walang pakialam sa serbisyo at kliyente nila basta madami ang benta?

Medyo may problema tayo dito mga kaibigan ko sa auto industry.

Para sa comments and suggestions mag-email sa irie.panganiban@gmail.com o sa inquirerbandera2016@gmail.com

Read more...